‘Angel for senator’ fake news: Mag-ingat sa maling propaganda, ‘wag magpaloko
PINAYUHAN ng mga netizens si Angel Locsin na hantingin at kasuhan ang mga nagpapakalat ng pekeng balita tungkol sa kanya.
Partikular na tinukoy ng ilang tagasuporta ng Kapamilya actress ang gumawa ng propaganda at fake news na tatakbo raw siyang senador sa susunod na eleksyon.
Hindi lang daw kasi basta pekeng balita ang ipinagkakalat ng mga taong nasa likod ng nasabing political propaganda, may kasama pa itong paninira sa dalaga.
Pinagtabi pa sa cover photo ang litrato ng aktres at ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang nasabing post ay may link sa YouTube na may nakasulat na, “ITUTUWID ko…ang mga MALI!! Angel Locsin for SENATOR.”
May titulo naman ang video na, “ANGEL LOCSIN formal Ng Nagpahayag na tumakbo bilang Senador sa ilalim ng LP Coalition” na ang tinutukoy nga ay ang opposition party na Liberal Party na kinabibilangan ni Vice President Leni Robredo.
Narito naman ang caption na inilagay ng netizen na nag-post ng nasabing video, “Viral guys angel Locsin sa fb pati mga fans nya todo post, karapat dapat daw ang PEKENG ANGEL na maging senador at itama ang nabubuang nyang pagiisip.”
Agad naman itong pinabulaanan ni Angel sa pamamagitan ng Twitter. Mariin niyang sinabi na isa lamang itong propaganda laban sa kanya.
“Mag-ingat sa mga maling propaganda.
“Sino ang gumagawa at bakit may effort gawin ito? Mag-ingat at wag magpaloko,” ang tweet ni Angel tungkol sa video. Ni-repost din niya ang screenshot ng tweet ng isang basher.
Kung matatandaan, ilang beses nang sinabi ni Angel na wala siyang balak tumakbo sa kahit anong posisyon.
“Sobrang hindi. Wala, wala sa utak ko yun,” diin ng aktres.
Samantala, marami ang nagpapayo kay Angel na sampolan na ang mga taong patuloy na gumagawa ng fake news laban sa kanya para maturuan ng leksyon ang mga ito.
Hindi raw titigil ang mga taong ito hangga’t hindi nadedemanda. Kailangan daw ipamukha sa kanila na ang pagpapakalat ng kahit anong uri ng fake news ay labag sa batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.