Bangayan dahil sa infra budget tumitindi
Patindi ng patindi ang bangayan ng ilang mga kongresista dahil pondo na inilaan para sa infrastructure project sa kani-kanilang mga distrito.
Sa budget deliberation para sa 2021 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nakalkal ang P11 billion na infra budget na napunta sa Camarines Sur.
Ito ay higit na mataas kumpara sa ibang mga distrito.
Hindi nakapagpigil sa isyu at kaagad na dumipensa ang matabil na si Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte na kilalang kapanalig ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Ikinatwiran ni Villafuerte na para sa limang distrito ng Camarines ang nasabing P11 billion.
Nakakuha rin ng pagkakataon si Villafuerte na akusahan si Cong. Arnolfo Teves Jr. ng Negros Oriental na umano’y kabilang sa pwersa na humaharang sa pagpapatibay sa higit sa P4 trillion na panukalang budget sa susunod na taon.
Gusto raw ng isang grupo ng mga kongresista na idiskaril ang budget deliberation sa Kamara para siraan na rin si Cayetano.
Mababaw na malalim ang argumento ni Villafuerte.
Mababaw dahil halata naman na malakas siya sa pinuno ng Kamara kaya nakakuha sila ng malaking budget.
Malalim dahil syempre ay malaking halaga ng budget ng pamahalaan ang sangkot sa kanilang bangayan.
Tulad ng dati pera at kapangyarihan ang ugat ng kanilang pag-aaway lalo’t lumulutang ang mga balita na tila ay magkakapit-tuko sa kanyang pwesto si Cayetano.
Base kasi sa usapang lalaki kaya nabuo ang 15-21 agreement.
Sa kasunduan ay 15 buwan na uupo bilang speaker si Cayetano na at magtatapos ang kanyang termino sa huling araw ng Oktubre.
Ang natitirang 21 buwan ng 18th Congress ay pamumunuan naman ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Pero sabi nga ng aking crickets sa Kamara mukhang may grupo sa Kongreso ang gagawin ang lahat para hwag mapalitan si Cayetano.
Kung anuman ang kanilang dahilan ay sila na lang ang nakakaalam.
Sa magkanong halaga? Yun ay hindi natin alam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.