UMABOT na sa 18 ang kumpirmadong nasawi habang umakyat pa sa 1.7 milyon ang apektado dahil sa mga pagbaha at iba pang insidenteng dulot ng bagyong “Maring” at ng habagat, ayon sa mga awtoridad.
Nadagdag sa listahan ng nasawi si Rodrigo Telles, 69, na nalunod matapos tangayin ng baha sa Brgy. General Luna, Carranglan, Nueva Ecija, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nalunod din si Arzay Josue, 22, nang bahain ang Sitio Silangan, Brgy. Dulong Bayan, Bacoor City, Cavite, noong Lunes. Natagpuan ang bangkay ni Josue alas-8 ng umaga Miyerkules, ayon sa Office of Civil Defense-4A (Calabarzon).
Iniulat naman ng NDRRMC na 363,246 pamilya o 1.731 milyon katao na ang apektado ni “Maring” at ng habagat sa Ilocos region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Cordillera, at Metro Manila.
Sa mga apektado, 217,195 ang nananatili pa sa 709 evacuation center habang 345,723 ang nakikisilong pa sa bahay ng mga kamag-anak at kaibigan, ayon sa ahensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.