SA Luneta lang natutulog dati ang 35-anyos na lalaki na nanalo ng P61.8 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55.
Pumunta sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang nanalo na namamasukan na bilang janitor.
Siya ay mayroong dalawang anak at nakatira sa Malolos, Bulacan. Siya ang nag-iisang nakakuha ng mga numerong 1-35-27-13-9-7 na lumabas sa bola ng Grand Lotto noong Agosto 17.
Nagkakahalaga ng P20 ang taya niya nang manalo. Ang mga numerong tinayaan ay kaarawan ng misis at kanyang mga anak.
Bibili na siya ng sariling bahay at lupa at pag-aaralin ang kanyang mga pamangkin.
Plano rin niyang kumuha ng prangkisa ng isang fast food chain. Sa pakikipagkuwentuhan kay PCSO general manager Jose Ferdinand Rojas II, sinabi ng nanalo na siya ay taga-Mindanao na niyaya ng kanyang kaibigan na magtrabaho sa Maynila.
Walang mapasukan, napunta siya sa Ilocos Sur kung saan nagtrabaho siya bilang helper sa isang hardware. Matapos ang dalawang taon ay nagbitiw siya sa trabaho at pumunta sa Maynila upang magbaka sakali.
“Wala po akong relatives dito sa Manila sir, kaya matagal po akong nagpalaboy-laboy at sa Rizal Park lang po ako natutulog. Hanggang may nakilala po ako sa park, at inalok ako ng trabaho bilang janitor,” saad ng nanalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.