Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:15 p.m. Alaska Milk vs Global Port
7:30 p.m. Rain or Shine vs Petron Blaze
Team Standings: Rain or Shine (2-0); Talk ‘N Text (1-0); Air21 Express (1-1); Barako Bull (1-1); Petron Blaze (1-1); Global Port (1-1); Meralco (1-1); Alaska (0-0); Barangay Ginebra San Miguel (0-1); San Mig Coffee (0-2)
MAHIGIT na isang linggo matapos na magsimula ang PBA Governors Cup ay magpupugay na rin ang Alaska Milk na maka-kabangga ng Global Port mamayang ala-5:15 ng hapon sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa ikalawang laro sa ganap na alas-7:30 ng gabi ay tutugisin naman ng defending champion Rain or Shine ang ikatlo nitong panalo kontra Petron Blaze.
Noon sanang Miyerkules magpupugay ang Aces kontra Talk ‘N Text subalit kinansela ang mga laro dahil sa sungit ng panahon bunga ng habagat na pinalakas ng Bagyong Maring.
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng limang taon na nagkansela ng laro ang liga. Huli itong nangyari noong Hunyo 22, 2008 sanhi ng Bagyong Frank.
Pinarating ng reigning Commissioner’s Cup champion Aces si Wendell McKiness, Jr. isang
6-foot-4 1/4 forward bilang import. Makakatunggali niya si Markeith Cummings ng Global Port.
Tubong Oklahoma, si McKiness ay naglaro sa Richmond High School bago kinuha ng New Mexico States Aggies. Pagkatapos ng kolehiyo, siya ay naglaro sa Rouen Pro Basket sa France noong nakaraang season at nag-average ng 17.3 puntos at 8.9 rebounds.
Makakatulong ni McKiness sina Cyrus Baguio, JVee Casio, Sonny Thoss at Most Valuable Player derby statistical leader Calvin Abueva.
Ang Global Port ay may 1-1 karta. Matapos na magwagi sa opening game kontra Air21 (101-94), ang Batang Pier ay natalo sa Rain or Shine (94-74).
Makakatuwang naman ni Cummings sina Gary David, Willie Miller, Solomon Mercado at Jay Washington.
Ang defending champion Elasto Painters ay nagwagi naman kontra San Mig Coffee at Global Port. Malaki ang kontribusyon ni Arizona Reid sa Elasto Painters.
Si Reid ay nagbalik matapos na maglaro sa Rain or Shine noong 2011 Governors Cup kung saan siya ay pinarangalang Best Import.
Lalong tumingkad ang tsansa ng Elasto Painters dahil sa nakapagpahinga na nang maayos ang mga Gilas Pilipinas players na sina Gabe Norwood at Jeff Chan at malamang na mabigyan na ni coach Joseller “Yeng” Guiao ng mahabang exposure.
Makakaduwelo ni Reid si Elijah Millsap na sinasabing siyang pinakamahusay sa mga imports ng kasalukuyang torneo.
Ang Petron, na ngayon ay hawak ni coach Gelacio Abanilla III, ay pinamumunuan nina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Gilas Pilipinas center June Mar Fajardo.
Galing ang Boosters sa 101-95 panalo kontra Barangay Ginebra San Miguel noong Linggo. — Barry Pascua
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.