Liza Seguerra, tatakbo nga bang senadora sa 2022?
Tatakbo nga bang senadora sa 2022 election si Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Diño-Seguerra?
Ito ang isa sa mga tanong kay Liza ng entertainment press at vloggers sa ginanap na halos apat na oras na virtual media conference gamit ang Zoom app ng #SineSandaanNext100. Simula mag-quarantine dahil sa coronavirus, ito ang unang pagkakataon na siya ay makapanayam.
Usap-usapan na kaya nagpapa-impress ang 39-anyos na kabiyak ni Ice Seguerra ay para mapansin ang kanyang mga ginagawa.
Kaagad naman itong pinabulaanan ng hepe ng FDCP. Wala umano siyang planong iwan ang ahensya at hindi nga raw siya magkandaugaga sa dami ng mga proyekto para makatulong sa industriya.
Sa pagtatapos ng SineSandaan ngayong buwan ng Setyembre, may 16 major activities ang FDCP. Una na dito ay ang opening ng SineSandaan The Next 100 today. Bonggang selebrasyon ito para sa pagtatapos ng Philippine Cinema Centennial.
Ikalawa ay ang Film Industry Conference at Workshop Series Online 2020 in cooperation with Filmlab and Full Circle Lab.
Ikatlo ang Special Master Class Series, ang CreatePHFilms kung saan ay magbibigay ng cash ang FDCP mula P200,000 hanggang P5 milyon para sa iba’t ibang klase ng paggawa ng pelikula na kapos sa budget. Tutulungan sila ng nasabing ahensiya.
At dagdag pa ang National Registry Website and Mobile App na listahan ng lahat ng workers sa industry, kabilang na ang entertainment press.
Sa kabila ng pandemya ay tuloy pa rin ang 4th Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) sa darating na Oktubre bagamat sa online muna ito mapapanood dahil sarado pa ang mga sinehan.
Ayon kay Liza, “Online siya, pero it’s going to be in the FDCP platform. We created an exclusive platform for PPP 2020.”
Dapat daw ay tuloy-tuloy pa rin ang paggawa ng pelikulang Pilipino sa kabila ng pandemya.
“We need local content. Ayaw nating masanay sila sa K-drama o puro foreign films ang napapanood nila,” ani Liza.
“All the more na dapat tayong maging masigasig na makakapagpalabas tayo ng Filipino films, kasi nandiyan sila sa mga bahay nila,” dagdag pa niya.
“As long as the spirit is there, naniniwala ako na the production see the value and they see FDCP as an ally to make this happen para sa ating mga manonood.”
Binanggit din na nakipag-cooperate pa rin ang film producers kasama ang mga miyembro ng Philippine Motion Pictures Producers Association o PMPPA.
Samantala, sinagot ni Liza ang nabalitang nagkaroon sila ng isyu ng mga taga-PMPPA at Inter-Guild Alliance at iba pang stakeholders’ ng showbiz.
“Sana talaga, at some point, there’s a chance to talk. Kasi, baka miscommunication o misunderstanding lang talaga yung namagitan between the agencies and the PMPPA in terms of how FDCP is launching and implementing our programs and the policies ngayon na ginagawa natin para protektahan ang mga workers,” ani Liza.
“But with other institutions, yes, we are coordinating with them sa iba’t iba nating activities. Even if walang pag-uusap with PMPPA mismo as a whole, yung ibang event ng PMPPA especially for PPP next month, individually with other production companies we are in talks sa mga pelikulang i-acquire natin na ipapalabas natin para sa PPP,” pahayag pa niya.
Nabanggit ding may pag-uusap na nagaganap sa kanila ng Viva management at ibang production companies.
“Yes, we’ve been talking to Viva. Nagkaroon na rin kami ng pag-uusap with other producers and production companies,” aniya.
“So, siguro, ang nakikita ko naman do’n na hindi naman sa lahat ng panahon we need to see things eye to eye. As long as meron tayong common ground, ang goal natin is mas makakapagpalabas ng pelikula para sa audiences natin lalo na ngayong pandemya,” paliwanag ng hepe ng FDCP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.