Isa pang Pinoy nailigtas sa lumubog na barko malapit sa Japan; 40 iba pa hinahanap pa rin
Isa pang Pilipinong seaman ang natagpuang buhay dalawang araw matapos na lumubog sa karagatang malapit sa Japan ang barkong sinasakyan niya.
Si Jay-nel Rosals, 30, ay nakasuot ng life jacket habang nasa liferaft nang makita na kumakaway at humihingi ng tulong, ayon sa Japanese coastguard.
“He is conscious and able to walk,” ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs.
Si Rosals ay kabilang sa 43 na tripulante ng Panamanian-flagged vessel Gulf Livestock 1 na tumaob at pinaniniwalaang lumubog matapos salpukin ng malalaking along hatid ng Bagyong Maysak sa karagatan malapit sa timog na bahagi ng Japan noong Miyerkules.
Maliban sa 39 na Pilipino, ang barko ay may lulan din na dalawang seafarers mula sa New Zealand at dalawa rin mula sa Australia.
Nauna nang nailigtas ang isa pang Pilipino, si Chief Officer Sareno Edvarodo, noong Miyerkules matapos na matagpuan siyang nakalutang sa tubig na may suot na life vest, ayon sa ulat ng Philippine Embassy sa Tokyo at ng Philippine Consulate General sa Osaka.
Sa video na inilabas ng Japanese coast guard, tinanong ni Edvarodo ang mga rescuers kung may iba pang kasamahan niya na nailigtas.
“Am I the only one?” ang naniniguradong tanong niya na astang iiyak matapos malamang siya pa lang ang nakikitang buhay noong Miyerkules.
Si Edvarodo, 45, ay nagpapagaling pa rin sa ospital sa Japan.
Isang crew member naman ang natagpuang nakalutang at subsob ang mukha sa tubig nitong Biyernes ng umaga pero ayon sa DFA ang di pa nakikilalang lalaki ay patay na.
“Considering the condition of the remains, a confirmation on the identity could not be made,” ayon sa DFA.
May lulang 5,800 na baka ang Gulf Livestock 1 nang simulang maglayag ito sa pier ng Napier sa New Zealand noong Agosto 14 patungong pier ng Jingtang sa coastal city ng Tangshan sa China.
Ayon kay Edvarodo, nagawa pa ng barkong magpadala ng distress signal matapos na huminto ang makina nito habang hinahampas ng malalakas na alon.
Sa ilang maritime reports, nalaman na ang 11,947-ton na barko ay may kasaysayan ng mekanikal na mga problema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.