Pinoy patay, isa pang kababayan sugatan sa sunog sa tanker malapit sa Sri Lanka
Patay ang isang Pilipinong seaman habang sugatan naman ang isa pang kababayan sa sunog sa isang supertanker malapit sa baybayin ng Sri Lanka.
Ayon kay Captain Indika de Silva, tagapagsalita ng Sri Lanka Navy, namatay ang Pilipino matapos sumabog ang boiler sa engine room ng MT New Diamond noong Huwebes ng umaga.
Tatlong barko mula sa Sri Lanka, dalawa galing sa India, isang eroplano mula sa Indian coast guard at dalawang tug boats ng Sri Lanka ang tulung-tulong sa pag-apula ng apoy.
Ang MT New Diamond, na arkilado ng Indian Oil Corp, ay nagmula sa pantalan ng Mina Al Ahmadi sa Kuwait patungo sa pantalan ng Paradip sa India. May karga itong dalawang milyong bariles ng langis.
May kabuuang 23 crew members ang tanker na kinabibilangan ng 18 Pilipino at limang Griyego.
Kinilala ang Pilipinong nasugatan na isang third engineer ng supertanker.
Sinabi ni Silva na dinala na ang seaman sa hospital at bumubuti na ang kanyang kalagayan.
Samantala sa karagatang malapit sa Japan, isang lalaki ang natagpuang nakalutang at nakasubsob ang mukha sa tubig habang nagpapatuloy ang paghahanap sa lumubog na barkong lulan ang 39 Pilipino, dalawang Australian at dalawang taga-New Zealand.
Ang Panamanian-flagged Gulf Livestock 1 ay may sakay na 5,800 na baka at naglalayag mula sa Napier City sa New Zealand patungo sa Tangshan sa China nang itaob ito ng malalaking alon hanggang sa tuluyang lumubog noong Miyerkules.
Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Eduardo Meñez na patuloy nilang sinusubaybayan ang mga pangyayari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.