Apat na talampakang ahas pumasok sa bibig ng isang babaeng tulog
Kabilin-bilinan ng matatanda, huwag magsasalita kung puno ng pagkain ang bibig.
Pero para sa mga taga Levashi, isang barangay sa bulubunduking bayan ng Dagestan sa Russia, huwag kang matutulog na nakabuka ang bunganga.
Isang babae sa Levashi ang isinugod sa ospital matapos na ito ay sumama ang pakiramdam sa hindi malamang dahilan, ayon sa ulat ng Daily Mail.
Matapos ang inisyal na pagsusuri, tinurukan ng general anesthesia ang babae para sumailalim sa isang operasyon.
Habang isinasagawa ang operasyon, narinig pa umano ang isa sa doktor na nagsabing: “Tingnan nga natin kung ano ito.”
Isang tube ang ipinasok sa bibig ng babae para makuha ang bagay na bumabara sa lagusan ng kanyang paghinga. At ganon na lamang ang pagkabigla ng mga medical personnel sa operating room nang ang mahugot nila mula sa lalamunan ng babae ay isang ahas.
Isang babaeng medic ang napalundag at napasigaw sa gulat, patuloy pang ulat ng Daily Mail.
Inilagay ang apat-na-talampakang ahas sa isang plastic medical bucket. Hindi malinaw sa ulat kung buhay pa o patay na ito.
Sa inisyal na imbistigasyon, sinabi ng online news site na gumapang ang ahas at pumasok sa bibig ng babae habang ito ay natutulog sa loob ng kanyang bakuran sa Levashi.
Ang barangay ng Levashi ay may 11,500 na populasyon at may 4,165 talampakang elebasyon.
Base sa kwento ng mga lokal na residente, bagamat hindi madalas ay nangyayari ang ganitong insidente na ang ahas ay pumapasok sa bibig ng isang natutulog na tao.
https://www.youtube.com/watch?v=m8kTFs0K5BU
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.