Bakuna kontra COVID-19 na galing China at Russia hindi libre
Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi libre ang makukuhang bakuna kontra COVID-19 ng Pilipinas mula Russia at China.
Ayon sa pangulo, hindi libre kundi babayaran ito ng Pilipinas.
Kung mahal ang bakuna, makikiusap si Pangulong Duterte kina Russian President Vladimir Putin at Chinese President Ci Jinping na kung maari ay bigyan ng credit line ang Pilipinas. Ibig sabihin, utang muna o babayaran ng installment o hulugan.
“Bibilhin natin ‘yan. Kaya lang kung mahal, if it is quite expensive then I will ask the — my friend President Putin and President Xi Jinping to give us a credit, parang utang, a credit line but we will pay not in one payment but by installments. Basta ang sinasabi ko magbayad tayo. Hindi ito libre,” ayon sa pangulo.
Hindi kasi aniya maikakaila na kapos ngayon ng pera ang Pilipinas dahil bagsak ang ekonomiya bunsod ng pandemya.
Kailangan aniyang bayaran ang bakuna dahil gumastos ang China at Russia sa paggawa nito bukod pa sa pagod na ibinuhos ng mga eksperto para lamang makaimbento.
Pinasalamatan din ng Pangulo sina Xi at Putin dahil sa pag aalok ng bakuna sa Pilipinas oras na maging available na ito para sa distribution.
“I would like to thank Russia, President Putin, and China, President Xi Jinping, for offering to provide us with the vaccine as soon as it is possible for distribution to the public. I cannot overemphasize my debt of gratitude. But remember that this is not for free for after all they did not develop the vaccine without great expense and also the human effort involved,” dagdag ng pangulo.
Matatandaan na noong nakaraang linggo lamang, sinabi ng Pangulo na magbibigay ng libreng bakuna ang Russia sa Pilipinas.
Nag-boluntaryo pa nga ang Pangulo na unang magpapaturok ng bakuna na galing ng Russia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.