20 watawat ng Pilipinas, sinunog sa Biñan City
Dalawampung luma at kupas nang watawat ng Pilipinas ang sinunog sa Biñan City sa isang mataimtim na seremonya kaalinsabay sa paggunita ng Pambansang Araw ng mga Bayani nitong Lunes.
Ang pagsunog sa mga lumang watawat ay bahagi ng tradisyon sa wastong pag-dispose ng pambansang simbolo.
Mabibilang ang mga lokal na pamahalaan na nagsasagawa ng tinatawag na “flag cremation”, kabilang na dito ang Imus City sa lalawigan ng Cavite at ang San Fernando sa Pampanga, na may dalawang taon pa lamang na isasagawa ang tradisyong ito.
Tulad sa Imus, ang itinuturing na “flag capital” ng bansa, naitala sa kasaysayan ang Biñan dahil sa kagitingan ng lokal nitong bayaning si Ambrosio Rianzares Bautista.
Si Bautista, isinilang sa Biñan noong 1830, ay isang abugadong propagandista na nagwagayway ng bandila sa Kawit, Cavite, nang ideklara ni Gen. Emilio Aguinaldo ang independensiya taong Hunyo 12, 1898.
Maging ang Cultural Center of the Philippines ay nagsimula lamang magsunog ng lumang bandila taong 2014.
Ang tradisyong ito ay nasasaad sa Saligang Batas.
Sa Section 14 of Republic Act No. 8491, o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines, sinasabing ang mga laspag na bandila ay hindi dapat itinatapon lamang.
Sa halip, mataimtim itong sinusunog para maiwasang magamit sa maling pamamaraan o desekrasyon, ayon pa sa batas na nagsimulang ipatupad noong 1998.
Dating dinadala lamang ng Biñan ang lumang watawat nito sa Boy Scout of the Philippines sa Pamantasa ng Pilipina sa Los Baños para doon sunugin, ayon kay Bryan Jayson Borja, tourism officer ng Biñan.
Nang simulan ng Biñan City ang tradisyon ng pagsunog, sinabi ni Borja na maraming tao ang nagsabing ilegal ang ginagawa ng lokal na pamahalaan.
Kaya para sa kanya, napapanahon nang malaman ng mamamayan ang tradisyong ito.
“Gusto rin namin na maipakilala ang batas sa mga taong hindi pa ito alam, o hindi ito naiintindihan,” ani Borja sa wikang English.
Ayon sa tradisyon, sinusunog ang mga luma at kupas nang watawat mula sa mga tanggapan ng gubyerno at mga paaralan sa isang malaking kawa habang nakatayo sa tabi nito ng isang babae na nakasuot ng damit na Filipiniana. Ang mga abo ay ilalagay sa isang urn at ililibing sa isang sagradong seremonya.
Ang pagsunog sa luma at kupas na watawat, ayon kay Borja, ay pagbibigay dito ng panghuling paggalang sa ginawa nitong pagsimbolo sa dangal at mithiin ng mga mapagmahal sa kalayaang Pilipino.
Mula sa ulat ng Philippine Daily Inquirer
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.