Bong sa lahat ng nagsabing mamatay na sana siya: Pinapatawad ko na sila…
KUNG may mga natutuwa sa pagbuti ng kundisyon ni Sen. Bong Revilla matapos tamaan ng COVID-19 meron ding gustong mamatay na siya.
Aware ang senador sa mga negang comments ng ilang netizens sa social media tungkol sa kanyang pagkakasakit.
Bukod sa masasakit at mapanghusgang salita na ibinabato sa kanya, may mga tao rin daw na nagsasabing sana’y hindi na siya gumaling at mamatay na.
Maraming nagalit sa kanya noong masankot sa kasong plunder kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit ng pork barrel funds. Ngunit napawalang- sala siya noong 2018.
“Minsan po nakakalungkot. ‘Yung ibang tao imbes na i-wish ka na gumaling ka, may nagwi-wish pa na mamatay ka na. Nakakalungkot,” ang pahayag ng actor-politician sa bagong video niya sa Facebook Live.
“Pero ganu’n pa man, sa akin, pinapatawad ko sila. ‘Di nila alam ang ginagawa nila,” aniya pa.
Patuloy pa niya, “Mahal ko pa rin kayo kahit winish ninyo ako ng ganun dahil alam ko naman na mas maraming tao ang nagdadasal para sa aking mabilis na paggaling,” diin pa ng senador.
Inamin din niya na talagang inakala niyang katapusan na niya nang magpositibo sa COVID-19.
Idagdag pa ang pagkakaroon niya ng pneumonia na naging dahilan kung bakit isinugod na siya sa ospital makalipas ang ilang araw na pagse-self quarantine sa bahay.
Kamakailan, pinayagan na rin siya ng mga doktor na makauwi makalipas ang ilang araw na pagkaka-confine.
Payo niya sa lahat, agad nang mag-self isolate kapag nakaramdam na ng sintomas ng COVID-19.
“Kung mahal ninyo po ang pamilya ninyo, kung pupuwede ay humanap na po kayo agad ng lugar na puwede ninyong puntahan na mai-isolate ang sarili ninyo,” aniya.
Bukod sa aktor, ang ilan pang senador na tinamaan ng COVID-19 ay sina Sen. Koko Pimentel, Sen. Miguel Zubiri at Sen. Sonny Angara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.