Sinu-sino sa 4 na Kapamilya director ang nambato ng silya, nagmura, nag-feeling ‘Wolverine’ sa shooting?
PAGKATAPOS ng mga babaeng direktor ay mga lalaki naman ang inimbitahan ni Direk Cathy Garcia Molina sa kanyang “Paha-Bowl: Funnily Censored” video na mapapanood sa YouTube channel niyang Nickl Entertainment.
Sina Direk Ruel Bayani, Dado Lumibao, Ted Boborol at Jerry Sineneng ang makakakulitan ni direk Cathy.
Ang tanong sa lahat, ano ang ginagawa mo sa set kapag galit na galit ka na?
Nagkatawanan ang limang direktor, “Ano ba ang ibig sabihin no’n? Paano ba ang galit na galit?” natawang sabi ni direk Ruel.
“Ako pag maximum galit is walkout ako sa set kaysa magmura ako, pero ipinapaalam ko sa EP (executive producer) ko,” pahayag ni direk Ted.
Hirit nina direk Cathy at Dado, “Grabe ang bait mo naman.”
“Ako naman kasi sumusugod sa set tapos inaaway ko kung sino ‘yung source ng galit ko. Ha-haha! Pero after naman pag naibuhos mo na, wala na,” kuwento ni direk Dado.
Bigla namang may naalala si direk Jerry, “Pero nambabato ka ng monoblock direk Dado.”
“Hindi pa naman direk pero pumapalakpak ako, ay si direk Jerry, minsan lang ‘yun, direk,” tumatawang sabi ni direk Dado.
Kuwento ni direk Jerry, “Nagte-taping ako sa isang Catholic school. Sabi sa akin, (direktor ng school) ang bait-bait n’yo naman po, ‘yung huling nag-taping dito takot na takot ako.
“Nambabato po ng upuan tapos mura nang mura, tinanong ko anong show, sabi ‘MMK’ ang pumasok sa isip ko, Nuel Naval, ‘maputing mestizo na singkit (itsura ni direk Nuel)?’ ‘Hindi po, maliit na maitim!’ Tapos tumawag ako sa taga-MMK, tinanong ko kung nag-taping si Dado, sinagot ako ng ‘opo.”
Grabe ang halakhakan ng mga direktor sa sinabing “maliit at maitim.
Paliwanag naman ni direk Dado, “Aminin natin direk di ba, nakakainit ng ulo ang mga talents na waley?”
Hirit ni direk Ruel, “Ang sasabihin ko ganito, matagal ko nang hindi naiintindihan ang nararamdaman ko kapag umiinit ang ulo ko pero nu’ng napanood ko ‘yung ‘Wolverine’ naintindihan ko na.
“Kasi iyon ang nararamdaman ko at may mga blades na lumalabas sa dalawang kamay ko kaya sa tuwing napapanood ko, sabi ko sa sarili ko, ‘parang ako ‘to, nakaka-relate ako.’”
Tawanan na naman ang lahat sa pahayag ni RSB.
Para kay direk Jerry, “Ako naman medyo mahaba ang pasensiya ko, ayaw ko lang tulad ng talent na binabanggit ni Dado na hindi na nga niya magawa tumatawa pa, doon ako talaga (uminiit ang ulo).
“Sabi ko, ‘alam mo ba yung delays na kino-cause mo?’ Lahat galit na galit na, pikon na pikon na, pinagtatawanan pa niya lahat (talent).”
Balik-tanong ni direk Cathy kay direk Jerry kung ano pa ang malalang nagawa niya bukod sa pagmumura sa set.
“Pag nakakita ako ng pangit na pagkain ng talent at crew, talagang nagagalit ako, sumusugod talaga ako sa catering, kino-confront ko. Isa pang galit ko na nauwi sa comedy, ‘yung adobo nila napakapangit talaga.
“Yung karne parang malasog ganyan, sinabi ko talaga, ‘ano bang tawag sa ganitong (ulam) sabay kuha ko ng kaldero, e, bagong init ‘yung adobo, so ‘yung mantika talaga napakapit sa kamay ko, (sabay pagpag ng kamay), sabi ko ayusin ninyo ang pagkain ninyo.’ Pagtalikod ko umiiyak ako sa sakit, namaga talaga itong buong braso ko,”kuwento ni direk Jerry.
Dagdag pa, “Lesson learned huwag ka nang magalit nang todo. Ha-hahaha.”
Hagalpakan naman ang lahat sa kuwento ng katoto nila pero ang paliwanag ni direk Ruel, “Para na rin maintindihan ng mga nanonood sa atin, siyempre ang mga direktor tao lang din, tapos pine-pressure ng mga producer kailangan matapos ang eksena.
“Kailangan maghanda ka dahil kapag hindi maganda, ikaw naman ang sisihin na bakit mo pinalusot, bakit hindi maganda ang acting nu’ng extra, kaya saan ka naman lulugar, di ba?”
May binanggit na pangalan si direk Ruel pero hindi narinig kasi nag-beep, “Sabi ko nga kung naging direktor si _____ mapagdadaanan n’ya ‘yun, kaya siguro hindi siya naging direktor.”
Pero aminado naman din sina direk Jerry at Ruel na ngayong nagkakaedad na sila ay hindi na sila matinding magalit.
Ani Direk Ruel, “Hindi ko na kaya kasi kumbaga sa battery ng cellphone, mag-1 bar ako so kailangan ipunin ko yung lakas ko kasi kailangan ko sa trabaho at ‘yun ang nagiging reason kung bakit hindi ka na puwedeng masyadong magalit.”
“Ako naman parang combination ninyong lahat, sumusugod sa set, nagmumura, nagwo-walkout, pero ‘yung walkout ang pinakahindi ko nagagawa, pero there was a time na nagsabi na ako (business head) na magwo-walkout na ako, tapos nag-agree naman at sinabihan akong umuwi na,” kuwento ni direk Cathy.
Dagdag pa, “Pag-walkout takot ako kasi alam mo naman ‘yung cost (production) pag hindi natuloy di ba? E, tayo naman producers’ director din tayo, si tita Malou (Santos) guided naman tayo sa alam mo ang bawa’t sentimong ginagastos mo.
“Pero nambabato talaga ako ng gamit. I remembered, nagwawala ako sa ‘You Changed My Life’ (2009), e, may hawak akong plato so binato ko, tapos may natatapakan ako, sisipain ko sana pagkita ko, lens box, sabi ng utak ko ‘tsing-tsing hindi ko kayang bayaran.’ Pero ngayon nagme-mellow down na ako, natuto na ako lalo na nu’ng nagkaroon ako ng boyfriend na mellow, nabago ako.”
May natutunan naman si direk Ruel kay direk Joel Lamangan, “Eto natutunan ko, sabi niya sa umaga, ang bagal ng kilos ng mga tao hindi ka naman magmumura, maggagalit-galitan ka lang sa umaga to make sure na magsimula na silang mag-shift na trabaho na kasi sabi niya.
“Na tama naman, ‘pag nasayang ang umaga mo mahirap nang bawiin sa hapon kaya lagi siyang ganu’n, galit-acting na wala namang dahilan para bilisan lang ‘yung umaga. Kaya mas nae-enjoy ko ang film set.”
Inamin din ng limang direktor na sa sobrang pressure kapag teleserye ang ginagawa nila kaysa sa pelikula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.