Mga “REKLAMADOR” sa gitna ng COVID-19 crisis
Kaliwa’t kanan ang reklamo ng mga mamamayan, partikular ang mga netizens sa social media, laban sa mga namumuno at sa gobyerno tungkol sa pag resolba ng COVID-19 crisis.
Ang pananaw nila ay nagkulang o mali o walang ginagawa ang mga namumuno at ang gobyerno para solusyonan at labanan ang COVID-19 crisis, o maibsan man lang ang paghihirap ng mga mamamayan.
Sila ay tinawag ng mga hindi sumasang-ayon sa kanila bilang “reklamador” sa gitna ng COVID-19 crisis.
Ang pagpapahayag ng sinumang mamamayan ng kanilang damdamin tulad ng pagreklamo sa mga diskarte at programa (o sa kawalan nito) ng mga namumuno at ng gobyerno kung papaano lalabanan ang COVID-19 crisis ay bahagi ng kanilang freedom of expression and speech na ginagarantiyahan ng Constitution (Section 4, Article lll).
Karapatan ng sinumang mamamayan na magpahayag at magreklamo na ang mga namumuno at ang gobyerno ay walang sapat na diskarte o programa para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 habang hinihintay ang pagdating ng vaccine kontra sa sakit na ito. Na dahil sa kawalan ng direksyon tungkol dito, lumobo ang bilang ng may COVID-19 at binabansagan ngayon ang Pilipinas na “Land of COVID-19”. Karapatan nilang magreklamo at sabihin na may solusyon at paraan para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 habang hinihintay ang vaccine.
Karapatan ng sinumang mamamayan na magpahayag at magreklamo na ang namumuno at ang gobyerno ay walang sapat na diskarte at programa para matulungan ang mga mahihirap. Na wala din sapat na diskarte at programa para sa mga OFWs, kasama na ang mga locally stranded individual (LSI). Na kung may programa man patungkol sa kanila ay hindi ito naging epektibo at nagdulot pa ito ng pagkalat ng COVID-19.
Karapatan ng sinumang mamamayan na magpahayag at magreklamo na ang mga namumuno at ang gobyerno ay walang sapat na diskarte at programa para tulungan ang mga nawalan ng hanap buhay dahil sa nagaganap na crisis. Na wala din diskarte at programa para tulungan ang mga negosyante, maliit man o malaki, na nalugi dala ng COVID-19 crisis. Na ang Pilipinas ay nasa recession na ngayon at wala pa din nilatag na sapat na diskarte o programa para buhayin ang ekonomiya.
Karapatan ng sinumang mamamayan, lalong-lalo na ang mga magulang, na magpahayag at magreklamo na walang malinaw na programa ang mga namumuno at ang gobyerno kung papaano ang pag-aaral ng mga bata sa darating na pasukan. Walang programa kung papaano tutugunan ang problema tungkol sa online learning na kakailanganing magkaroon ng laptop o tablet ang mga mag-aaral na walang kapasidad bumili ng mga ito.
Karapatan ng sinumang mamamayan na maghayag ng damdamin at magreklamo na ang mga namumuno, kung kanino ipinagkatiwala ang mga responsibilidad na labanan ang COVID-19, ay kulang o walang sapat na kaalaman o karanasan para solusyonan ang crisis na ito.
Kasama din sa ginagarantiyahan ng Constitution ay ang karapatan ng mga mamamayan na batikusin, kung sa paniwala nila ay mga maling diskarte o programa ang pinatutupad, ang mga namumuno at ang gobyerno patungkol sa paglaban sa COVID-19 crisis.
Ang pagpahayag ng damdamin ng sinumang mamamayan, tulad ng pagreklamo at pagbatikos, tungkol sa mga diskarte at programa sa COVID-19 crisis ay hindi nangangahulugan na ang nagrereklamo o bumabatikos ay lumalaban na sa mga namumuno o sa gobyerno. Lalo naman hindi tama na sila ay paratangan bilang “terorista” o “kumyunista”.
Hinahayag lang ng mga mamamayan o yung nagrereklamo, na sa pananaw nila ay maling solusyon sa pagresolba ng crisis ang ginagamit o ginagawa, na maaaring hindi nakikita ng mga namumuno at ng gobyerno. Sa puntong ito at kung isantabi lang ang politika, ang mga reklamo at batikos ng mga mamamayan ay maaari pang makatulong para maresolba ng maigi ang crisis.
Sa pagreklamo at pagbatikos, pinapaalam lang ng mga mamamayan sa mga namumuno at sa gobyerno na baka may mga ibang mas mabuting paraan pa para maresolba ang crisis na ito.
Sa pagreklamo at pagbatikos, ipinapaalala lang ng mga mamamayan ang mga obligasyon ng mga namumuno at ng gobyerno na tinakda ng Constitution at mga ibat-ibang batas na nakalimutan o sadyang hindi ginawa ng mga ito.
Ang mga sinasabing “reklamador” ngayon sa gitna ng COVID-19 crisis ay hindi kaaway ng mga namumuno at lalo ng gobyerno. Ginagawa lang nila ang social and moral responsibility nila bilang mamamayan na tignan, bantayan at tiyakin na ang mga namumuno at ang gobyerno ay kumikilos ayon sa Constitution, sa batas at para sa kapakanan at ikabubuti ng mamamayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.