Bitoy biktima uli ng fake news; ginamit sa campaign material nina Duterte at Mayor Sara
“#FAKE news!”
Ito ang paglilinaw ni Michael V sa kumakalat na quote card ngayon sa social media na naglalaman ng pagsuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa anak nitong si Mayor Sarah Duterte.
Mariing dinenay ni Bitoy na galing sa kanya ang nasabing post na inilarawan ng ilang netizens na isang “campaign material” para sa 2020 Presidential elections.
Ni-repost ng Kapuso TV host-comedian ang nasabing quote card kung saan makikita ang litrato niya na may titulong “I STAND WITH THE PRESIDENT.”
Nakasulat dito ang mga katagang, “Kung sino mang pangulo ang iluluklok ng bayan ‘di kakayanin ang bigat kung ‘di natin tutulungan.
“Ang mabuting pagbabago na kanyang sinimulan tayo ang magpapatuloy hanggang sa katapusan.
“Awatin na ang dilang masakit magsalita. Pakawalan ang pusong makatao ang gawa.”
Ayon kay Bitoy, tama ang mga nakasulat sa quote card ngunit ginamit ito ng nag-post para palabasing sinusuportahan niya ang Presidente sa gitna ng mga kinakaharap na problema ngayon ng bansa.
Sa pamamagitan ng Instagram, ni-repost ni Bitoy ang screenshot ng ipinost niya sa IG noong May, 2016 at ang quote card na kumakalat ngayon.
Makikita sa dating IG post ng Kapuso comedian ang sketch ng mukha ni Pangulong Duterte kung saan ibinahagi niya ang kanyang mensahe noon sa pagkapanalo ni Duterte bilang bagong Presidente ng Pilipinas.
Sa bagong post ni Bitoy, binilugan niya ang date kung kailan niya ginawa ang sketch ng mukha ng Pangulo at ito’y noon pa ngang May, 2016.
Binilugan din ni Michael V. ang nakasulat na “I STAND WITH THE PRESIDENT” ibabaw ng quote card pati na rin ang nakasulat na “SARA DU30 Supporters 2022,” sa bandang ibaba ng post.
May nakalagay ding logo rito kung saan pinagsama ang litrato nina Pangulong Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte.
Ang caption ni Bitoy sa nasabing post, “FACT CHECK. Madalas kong nakikita sa circulation ‘tong quote ko na ‘to which I posted more than 4 YEARS AGO nu’ng nanalo si Digong as President, to encourage people to accept and respect the election results, consistent with the ‘Dapat Tama’ campaign na ginawa ko with GMA Network.
“To set the records straight, it’s NOT A RECENT POST.
“Please pay attention to the LAST LINE NA ALL CAPS. I have no problem with people using it for the right reason pero HUWAG PO NATING GAMITING CAMPAIGN MATERIAL. #FakeNews,” sabi pa ng komedyante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.