Willie, buong staff ng ‘Wowowin’ negative sa COVID-19 rapid test; may pa-tribute sa frontliners
PARA patunayan na maayos pa rin ang kanyang health condition, ibinahagi ni Willie Revillame sa publiko ang resulta ng kanyang COVID-19 test.
Kagabi sa programa niyang “Wowowin” (Tutok to Win) ipinakita ng TV host-comedian sa manonood ang resulta ng kanyang rapid test at negative nga raw siya sa virus.
Ito’y ginawa ni Willie matapos magpositibo ang co-host niya sa “Wowowin” na si Donita Nose sa COVID-19 na kasalukuyan pa ring naka-confine sa St. Luke’s Hospital.
Ang tanong kasi ng publiko ay kung safe pa bang mag-live ang programa ni Willie at kung sumailalim na ba ang TV host at lahat ng kasama niya sa “Wowowin” sa COVID-19 test dahil baka may nahawa sa kanila kay Donita.
Paliwanag ni Wilie, noon pang July 10 wala sa “Wowowin” si Donita Nose. Sumailalim daw ang buong staff ng programa pati na si Willie sa rapid test noong July 17 at nag-negative naman daw silang lahat.
Samantala, pinalakas muli ni Willie ang loob ni Donita na nakikipaglaban pa rin ngayon sa virus, “Marami namang nagmamahal at tumutulong sa ‘yo. Magpagaling ka diyan.”
Mensahe pa ni Willie sa lahat ng COVID patients, “Sa lahat po na pinagdadaanan ito, huwag kayong mag-alala.
“Kapit lang kayo at kayo po ay lumaban diyan. Alam naman naming kayang-kaya ninyo iyan.”
Sa isang bahagi ng “Wowowin”, ipinalabas ni Willie ang isang video na may pamagat na “Puso Para sa Bayan.” Ito ang tribute nila para sa lahat ng frontliners.
“Buhay po ang kanilang binubuwis dito sa bawat minuto, segundo. Ito po ang pinaglalaanan nila ng pagserbisyo sa sinumpaan nila para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Willie.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.