2 bagets na bida sa bagong BL series palaban sa baklaan
Reggee Bonoan - Bandera July 22, 2020 - 06:23 PM
NGAYONG araw ang first taping day ng Boys Love o BL series na “My ExtraOrdinary” sa isang pribadong eskuwelahan sa Antipolo City.
Pinagbibidahan ito nina Darwin Yu at Enzo Santiago kasama sina Samuel Cafranca, Philip Dulla at Miko Gallardo produced by AsterisK Digital Entertainment na mapapanood na sa TV5 ngayong Agosto directed by Jolo Atienza.
Base sa kuwento ng publicist ng digital show na si Byx Almacen ay posibleng ilagay sila sa late timeslot ng TV5 dahil nga BL series ito at hindi dapat mapanood ng mga bata.
Bago nag-taping sina Darwin at Enzo ay nakausap na namin sila. Si Enzo ay dati nang lumabas sa gay film na “Young Love” under Boy Abunda Originals.
“Kaya rin po ako pumayag sa BL series kasi unang-una bagong genre ‘to na papatok dito sa Pinas kaya sabi ko bakit hindi subukan lalo’t sa telebisyon ito mapapanood hindi sa digital o online show.
“Plus isa po ako sa lead role, malaking break po sa akin itong Extraordinary. Bukod po sa napaka-challenging ng role kasi boy to boy, ang ganda ng kuwento kakaiba,” pahayag ni Enzo.
Sa tanong namin kung okay sa kanya ang kissing scenes sa kapwa lalaki, “Opo, okay lang po sa akin, wala pong problema sa akin sa mga intimate scenes.”
Sa ngayon ay walang kasintahan ang binata pero kung mayroon ay ipapaintindi niya kung ano ang trabaho niya at kung ano ang mga gagawin niyang eksena.
Katatapos lang ni Enzo ng senior high school kaya timing ang taping nila ng “My ExtraOrdinary” dahil bakasyon pa.
Umamin din ang binata na marami siyang realization noong lockdown, “Ang dami po kasi bukod sa ang dami kong oras na nasayang at maling nagawa, mga perang naubos ko sa hindi naman dapat kailangan n asana na-invest ko na lang, ang dami pong pumasok sa isipan ko talaga.
“At kung hindi dahil sa lockdown hindi kami naging close ng pamilya ko, mas naging open kami at tulung-tulong po kami sa lahat ng bagay,” aniya pa.
Si Darwin Yu naman ay napansin sa pelikulang “Ist Sem” noong 2016 at napansin kaagad ang husay niya sa pag-arte, pero tila nag lie low siya sa kanyang career.
“Actually nakadalawang short films po ako at inilaban naman siya sa international (film festival) tapos nag-focus na po ako sa thesis ko, pero nagwo-workshop naman po ako to enhance my acting din po,” ani Darwin.
Sa mga panahong wala siyang ginagawa at nataon na lockdown ay inamin niyang dumaan siya sa depresyon lalo’t nawalan lahat ng trabaho ang karamihan kasama na ang entertainment industry.
“Pati po anxiety at hanggang ngayon (may taping na), I really don’t know kung paano po labanan ito, ang ginagawa ko lang staying healthy, sharing may negative thoughts na nararamdaman ko sa family ko, sa friends ko, kay Enzo, proper guidance po at prayers talaga.
“Sa mga nakakaramdam po ng depression at anxiety, labanan ninyo po, share it with friends, huwag ninyong solohin. Kasi ‘yang anxiety, nagsisinungaling ‘yan sa atin. Kaya ngayong may BL series malaking tulong poi to at may work na ulit,” kuwento ni Darwin.
Hindi naman siya natatakot na baka matsismis siya sa kapwa niya lalaki, “Hindi naman po kasi work ito plus love is love and love is no gender, nirerespeto ko po lahat.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.