People's initiative para sa ABS-CBN franchise | Bandera

People’s initiative para sa ABS-CBN franchise

Atty. Rudolf Philip Jurado - July 16, 2020 - 11:31 AM

Matapos ibasura ng Kamara (House of Representatives) ang ABS-CBN franchise bill noong Biyernes, maraming nagmungkahi na isulong ang ABS-CBN franchise sa pamamagitan ng people’s initiative at referendum alinsunod sa Initiative and Referendum Act.

Sa ilalim ng Initiative and Referendum Act (Republic Act No. 6735), binibigyan ng kapangyarihan ang sino mang rehistradong botante ng Pilipinas na direktang magmungkahi at magpatibay ng isang batas, gaya ng franchise para sa ABS-CBN Corp. (ABS-CBN), sa pamamagitan ng paghain ng isang petition sa Commission on Election (Comelec).

Ang pagsasabatas ng ABS-CBN franchise sa pamamagitan ng people’s initiative ay legal at pinapayagan sa ilalim ng Initiative and Referendum Act pero ito ay hindi praktikal na gamitin at gawin dahil sa mga sumusunod na dahilan:

Una, ang petition na ihahain sa Comelec ay dapat suportado ng pirma ng hindi bababa sa sampung porsyento (10%) ng kabuuhang bilang ng rehistradong botante at kung saan bawat distrito ay kinakatawan ng hindi bababa sa tatlong porsyento (3%) ng kabuuhang registradong botante ng nasabing distrito. Ito ay nangangahulugan na ang dapat pumirma ay sampung (10%) porsyento ng rehistradong botante ng buong Pilipinas. Sa ngayon may humigit kumulang animnapung (60) milyon ang rehistradong botante sa pangkalahatan. Bagamat may makinarya, organisasyon at kapasidad ang ABS-CBN na maglunsad ng isang malawakang kumpanya sa buong bansa para mangumbinsi at maglikom ng ganitong karaming suporta at pirma, ito naman ay tiyak na bibilang ng mahabang panahon. Hindi ganoon kadaling maglikom at aktwal na magpapirma sa higit na anim (6) na milyong tao sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.

Pangalawa, ang lahat na nalikom na pirma upang suportahan ang ABS-CBN franchise ay kakailanganin pang suriin ng Commission on Election (COMELEC) para tiyakin na ang mga pirma dito ay mga tunay na pirma nang mga rehistradong botante sa kalahatan at sa mga tamang distrito. Ang pagsusuri ng mahigit na anim (6) na milyong pirma at pangalan ay mano-manong gagawin ng mga kawani ng Comelec, kaya ito ay gugugol muli ng mahabang panahon.

Pangatlo, kung sakali naman na makalikom ng sapat na bilang ng suporta at pirma at ito ay kinatigan ng Comelec, kakailanganin pa itong dumaan sa isang referendum kung saan pagbobotohan ng mga rehistradong botante sa buong Pilipinas kung sumasang-ayon silang aprobahan ang pagsasabatas ng ABS-CBN franchise. Ang referendum ay dapat ganapin hindi bababa sa apatnaput-limang (45) araw o hihigit sa siyamnapung (90) araw matapos ang pag aproba sa petition ng Comele. Dahil dito, mangangailangan ng pondo ang Comelec para magsagawa ng isang referendum. Dahil tiyak na hindi naman ito kasama sa budget ng Comelec para sa taunang General Appropriation Act, mangangailangan pang magpasa ng isang supplemental appropriation law ang Kongreso para pondohan ang referendum. Ayon sa ulat, mga apat (4) na bilyong piso ang kakailanganin para magsagawa ng isang referendum sa buong Pilipinas. Ang pagsasabatas ng supplemental appropriation o pondo para sa referendum ay magmumula sa House of Representatives na nauna nang nagbasura sa ABS-CBN franchise bill. Dahil sa walang katiyakan kung pagtutuonan ng pansin ng Kongreso para pondohan ang referendum, maaaring hindi na maganap ang referendum o mabinbin ito ng matagal.

Pang-apat, walang katiyakan kung ano ang magiging sentimento ng mga tao sa oras na ito ay isalang na sa referendum. Totoo na pitongpot limang (75%) porsyento na Filipino ang nagsasabi ngayon na dapat bigyan ng franchise ang ABS-CBN pero walang katiyakan na ito pa din ang magiging sentimento nila sa panahon ng referendum, na tiyak ay hindi magaganap sa kasalukuyan o sa madaling panahon.

Panghuli, at ito ang pinakamalaking hadlang sa pagsulong ng ABS-CBN franchise sa pamamagitan ng people’s initiative. Maaaring magkaroon ng pagtutol sa korte tungkol sa mga interpretasyon ng mga probisyon ng Initiative and Referendum Act. Alin sa mga ito ay ang isyu na kung pwede bang isulong at gamitin ang batas na ito para pagkalooban ng isang franchise ang isang media outlet gaya ng ABS-CBN. May nagsasabi na hindi pwedeng gamitin ang batas na ito dahil ayon sa constitution, ang pagbibigay ng isang franchise ay nalalaan lang sa Kongreso at hindi sa pamamagitan ng isang people’s initiative. Ang pagsusuri naman ng Comelec sa mga kailangan pirma at mga pangalan ng mga rehistradong botante sa petition ay maaari din pagmulan ng mga ibat-ibang pagtatalo na mauuwi sa kasuhan.

Ang mga dahilang ito ang nagsasabi na ang pagsasabatas ng ABS-CBN franchise sa pamamagitan ng people’s initiative at referendum ay maaaring hindi mangyari. Kung sakali mang maisakatuparan ito, hindi ito magaganap sa panahon ng kasalukuyang administrasyon.

Ang tanging legal na paraan na lang ng ABS-CBN para makakuha ng isang franchise ay maghain na lang ng panibagong ABS-CBN legislative franchise bill sa mga susunod na panahon.

Ang usaping ABS-CBN franchise ay isang isyung politikal na didisisyonan ng Kongreso na naaayon sa politika. Sa politika, walang permanenteng kaaway o kaibigin, permanenteng interest lang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending