Alden, Rayver, Julie Anne balik-trabaho na sa AOS; Boobay muling humiling ng dasal para kay Kim
SINULAT namin dito sa BANDERA nu’ng Hulyo 7 ang pagbabalik ng ilang programa ng GMA 7 at isa nga rito ang “All Out Sundays” ngayong araw.
Pero dahil mahigpit pa ring ipinatutupad ang health protocols sa mga location at maging sa studio, ang ilan sa mga magpe-perform sa programa ay sa bahay muna mapapanood.
Nabanggit sa amin dati na every two weeks kukunan ang “AOS” at hati rin ang mga host dahil hindi pa nga puwedeng magkakasama lahat dahil na sa ipinatutupad na social distancing dulot pa rin ng banta ng COVID-19 pandemic.
Nabanggit din dati na planong i-lock in ang mga host ng show pero sa hindi malamang dahilan ay hindi na ito natuloy. Ang mga artistang magbabalik-taping sa mga teleserye na lang ang obligadong i-lock in.
“Through zoom app na lang ang mga kasama sa AOS, sana hindi magkaproblema lalo na kapag live, alam mo naman may times na nagkakaproblema sa signal,” say ng taga-GMA.
Habang tinitipa namin ito ay kasisimula pa lang ng “All Out Sundays” kaya hindi namin alam kung sinu-sino ang nasa zoom at kung meron pa bang pinapunta sa studio para mag-perform nang live.
“Bago na kasi ang timeslot, 12:45 p.m. na ito at kasabay ng livestream sa GMA Network at social media accounts,” say ng taga-GMA na nakausap namin.
Dagdag pang sabi sa amin, “Sa totoo lang ang hirap kapag live, ang daming inaayos. At least ‘yung mga series puwedeng ulitin pag may mali. E, sa live hindi na, yun na yun.”
Ilan sa mga nag-perform sa opening ay sina Alden Richards, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Kyline Alcantara, Mark Bautista, Ken Chan, ang mga produkto ng “The Clash” at marami pang iba.
* * *
Muling humiling ng taimtim na dasal ang komedyanteng si Boobay para sa kaibigang si Kim Idol o Michael Taniera Argente sa tunay na buhay.
Nananatili pa rin sa ospital si Kim matapos pumutok ang ugat sa ulo.
“Right now, hindi pa rin kami masyadong binibigyan ng information kung ano ‘yung update sa condition niya though sa ngayon bedridden pa rin siya.
“‘Yung nangyari sa kanya parang pangalawang beses niya na ‘yan e. Praying hard kami na sana bumalik na siya sa normal,” ayon kay Boobay sa isang panayam.
Kahapon natanong nga namin ang kaibigan ni Kim na si Briane Alejandria kung ano na ang final decision ng ina ng komedyante.
“Nagdadalawang-isip pa. Sobrang hirap kasi talaga para sa mother ang mag-decide,” sagot niya sa amin.
Naibalita rin namin kahapon na humihingi ng donasyon ang pamilya ni Kim para sa hospital bills ng comedian dahil sa dalawang araw palang nito sa hospital ay nasa P87,000 na ang kailangang bayaran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.