Daryl Ong walang offer sa GMA: Pero pwedeng-pwede na siyang maging Kapuso
POSITIBO ang reaksyon ng fans at followers ni Daryl Ong sa pagpo-post niya ng pulang puso sa kanyang Instagram account.
May caption itong, “Extending prayers for friends, former co-workers/co-artists in ABS-CBN. my journey with them may have ended but my friendship and love for them will always be here with me. I pray and hope for nothing but the best for everyone especially in this time of pandemic. God bless us all.”
Nitong Lunes kasi ang huling hearing sa Kongreso tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN at malalaman ngayong linggo kung bibigyan pa ito ng panibagong 25-year franchise.
Komento ni @maraksot1972, “Ngayon ko lang na feel ang sympathy mo sa ABS. Ok yan malaki ang utang na loob mo sa ABS and you’ll never know one day lalapit ka rin ulit sa ABS. Bilog ang mundo. Cheers!”
Say ni @our_songbird, “Darating ung time magiging okay din ang lahat bagay ka sa abs cbn sa totoo lang kailangan lang kasi panahon ngayon is pagdadamayan. salamat Daryl.”
Balitang banned ngayon si Daryl sa ABS-CBN dahil sa komento niya na malabo nang mabigyan ng prangkisa ang network dahil Presidente na ang kalaban nito na nakarating naman sa mga boss ng Kapamilya network.
Hindi naman ito itinanggi ng mang-aawit at sa katunayan ay ginamit niya ang kanyang Daryl Ong YouTube channel para ikuwento ang buong senaryo, kasabay ng pasasalamat at paghingi ng tawad sa mga nasabi niya.
At dahil dito ay umani ng kaliwa’t kanang batikos si Daryl na buong-puso naman niyang tinanggap.
Nitong Sabado ay nag-post siya ng larawang kuha sa teamlab Planets Tokyo, Japan na makulay ang background na may caption na, “Makulay ang Buhay.”
Marami ang nagsabing baka tuloy na ang paglipat niya sa GMA 7. Kaya tinanong namin ang manager niya kung totoong magiging Kapuso artist na ang singer.
“Wala namang offer?” sambit sa amin ng manager. Aniya walang kontrata si Daryl sa ABS-CBN kaya posibleng maging Kapuso ang singer na produkto ng The Voice Season 2 (2014).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.