Army chief: 4 kawal na napatay ng pulis di nanlaban
HINDI umano nanlaban ang apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu, kahapon, kaya hindi maintindihan ng hukbo kung bakit sila pinagbabaril, ayon kay Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay.
Kinilala na ng militar ang mga nasawi bilang sina Maj. Marvin Indammog, Capt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco, at Cpl. Abdal Asula, pawang mga miyembro ng Army.
Sina Indammog at Managuelod ay nagtapos sa Philippine Military Academy noong 2006 at 2009.
“Based on eyewitness accounts, no altercation transpired between the two parties nor was there any provocation on the part of Army personnel to warrant such carnage,” sabi ni Gapay sa isang kalatas.
Ayon sa Army chief, ang apat na sundalo ay pawang mga miyembro ng isang intelligence team na nasa Jolo para tuntunin ang mga teroristang nagtatago doon.
Nabatid na si Indammog ay acting commander ng 9th Intelligence Service Unit, habang si Managuelod ay isa sa kanyang mga staff.
“They were hot on the trail of Abu Sayyaf members, bomb makers, and suicide bombers,” ani Gapay.
Sinabi pa ni Gapay na hindi operasyon kontra droga ang naganap, at walang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency doon.
Ayon kay Army spokesman Col. Ramon Zagala, nagalit si Gapay dahil sa insidente, at humingi ng malalim na imbestigasyon para mabigyang-hustisya ang mga napatay.
“The commanding general of the Philippine Army is enraged and demands that a full-blown investigation must be conducted on the death of four soldiers from the hands of PNP forces.”
Iginiit ni Zagala na nagpakilala sa mga pulis ang mga sundalo, kaya hindi maintindihan ng hukbo kung bakit sila pinagbabaril ng mga alagad ng batas.
“Even after properly identifying themselves, the police personnel approached and fired upon them for still unknown reasons.”
Noong Lunes ng gabi, ilang oras matapos ang insidente, inutos ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na disarmahan at ilagay sa restrictive custody ang mga pulis na sangkot sa insidente.
“I want to know what really happened and no stone must be left unturned… They will be investigated by the CIDG and I will request a parallel investigation by the NBI,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.