Bitoy: Yung racism kaignorantehan at kawalan ng pakialam sa kapwa
NABIKTIMA rin ng racism ang Kapuso TV host-comedian na si Michael V at ang kanyang pamilya sa ibang bansa.
Ayon kay Bitoy, malawak at matindi ang impact ng racial discrimination sa iba’t ibang bahagi ng mundo kaya dapat maging aware ang bawat indibidwal tungkol dito.
Sa latest vlog ng Kapuso comedian at content creator na rin ngayon sa YouTube natalakay niya ang kontrobersyal at hot topic pa rin ngayon about racism.
Sa unang bahagi ng video ni Bitoy, naikuwento niya ang pagpunta ng kanyang pamilya sa Star Wars theme park at ang naging experience nila sa Galaxy’s Edge.
At bago pa magtapos ang vlog ni Michael V. napag-usapan nga ang racism na hanggang ngayon ay usap-usapan pa rin sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng African-American na si George Floyd.
“Gusto ko pag-usapan ‘yung isyu ng racism!
“Doon sa mga nagtataka kung bakit buong mundo nagpoprotesta hindi lang mga black people ang naapektuhan nito,” lahad ni Bitoy na umaming nakaranas na rin ng diskriminasyon habang nagbabakasyon abroad.
“Kahit kami ng pamilya ko, na-experience namin yan. ‘Yung racism kaignorantehan at kawalan ng pakialam sa kapwa,” chika pa ng komedyante.
Ipinunto ni Bitoy na maganda rin ang epekto ng pagta-travel sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil dito mas maiintindihan ng isang tao ang ugali at kultura ng kanilang kapwa mula sa labas ng bansa.
“Isang maganda sa pagta-travel, naiintindihan mo ‘yung kultura ng ibang tao para ma-appreciate mo at mahalin ang pagkatao na iba sa ‘yo.
“Pero ‘di kailangan mag-travel para matuto ng respeto. Technically, ‘yung mga kaibigan, kapatid, mga magulang, mga anak, asawa ibang tao sila.
“Kasi hindi sila ikaw, magkaiba kayo ng trip, magkaiba kayo ng opinyon. Pero dahil sa pagmamahal at sa respeto nabuo sa inyo nagkakaintindihan kayo,” pahayag ni Bitoy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.