Magrerehistrong online sellers makakakuha ng tulong sa gobyerno, proteksyon sa kustomer
ANG pagrerehistro umano ng mga online seller ay hindi nangangahulugan na papatawan na ng buwis ang mga ito.
Ayon kay House committee on Trade and Industry chairman at Valenzuela Rep. Wes Gatchalian ang registration ay magagamit ng gobyerno sa pangangalap ng datos, pagbibigay ng insentibo sa mga online seller at pagbibigay ng proteksyon sa mga kustomer.
“The DTI encourages registration of online businesses to ensure consumer protection and to build trust and confidence in the use of these online platforms,” ani Gatchalian.
Nauna rito, umani ng batikos ang pagtatakda ng Bureau of Internal Revenue ng deadline sa pagpaparehistro at pagbabayad ng buwis ng mga online sellers sa Hulyo 31.
Sa Kongreso ay isinusulong ni Gatchalian ang panukala upang ma-regulate ang online transactions na makatutulong umano upang mapalago ang industriya.
“By legitimizing one’s business through registration, it becomes eligible to avail of loans, subsidies and tax breaks from the DTI and other government agencies,” saad ni Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian sa kanyang House bill 6122 ang mga bagong rehistrong micro-enterprises ay exempted sa national at local taxes sa loob ng dalawang taon.
“We are giving this incentive so that we can attract these unregistered micro enterprises to register with the DTI,” dagdag pa ng solon.
Nilinaw naman ni Gatchalian na iba ang pagpaparehistro sa BIR sa DTI.
Nagpalabas ang BIR ng Memorandum para sa pagpaparehistro at pagbabayad ng buwis ng mga online seller. Kung hindi magpaparehistro at magbabayad hanggang Hulyo 31 ay papatawan ng penalty charges ang mga ito.
Sa pag-aaral ng Google at Temasek, ang internet economy sa Pilipinas ay nasa $7 bilyon na, lumago mula sa $2 bilyon noong 2015.
Sa isinagawang survey naman ng United Nations, ang Pilipinas ay may 108 milyong populasyon at 73 milyon (67 porsyento) nito ay internet at social media users mas mataas kumpara sa siyam na porsyento isang dekada ang nakakaraan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.