2K driver sa Maynila gagawing delivery partner ng Grab
KUKUHA ang Grab Philippines ng 2,000 tricycle driver at displaced workers sa Maynila na sasanayin para maging GrabFood at GrabExpress delivery-partners.
Pumasok sa partnership ang Grab at Manila City government kanina upang makapagbigay ng kabuhayan sa mga naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Bukod sa pagbibigay ng hanapubuhay, matutulungan din ng programa ang tinatayang 500 micro, small and medium enterprises sa lungsod.
“We have always placed our faith in the hard work, dedication, and determination of the people of Manila most especially during these trying times. With responsible use of technology as well as our enduring partnership with the City of Manila, we hope to continue helping our kababayans who have been greatly affected by the pandemic get back on their feet through the many livelihood opportunities available on our Grab platform,” ani Brian Cu, pangulo ng Grab Philippines.
Maaaring maging delivery-partner ang edad 18-50 taong gulang, marunong gumamit at mayroong smartphone, may tricycle, motorsiklo o bisikleta, mayroong valid na driver’s license at Official Receipt and Certificate of Registration (kung motorsiklo).
Kung ang gagamiting motorsiklo o tricycle ay hindi sa nag-a-apply, kailangan ay mayroong authorization mula sa may-ari na ipinagagamit nito ang sasakyan, at Notarized Deed of Sale and Reposition Certificate.
Ang mga negosyo naman na nais na maging bahagi ng programa ay dapat mayroong business permit.
Ang mga interesado ay maaaring makipag-ugnayan sa Public Employment Service Office (PESO).
Ang programa ay bahagi ng GrabBayanihan na naglalayong tulungan ang mga Filipino na makabangon. Sa kabuuan, aabot sa 20,000 displaced workers at tricycle drivers, at 5,000 MSMEs ang makikinabang sa socio-economic recovery initiative na ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.