TF ng Kapamilya stars na balik-trabaho tinapyasan: OK na yun, kesa nganga!
MADALING intindihin ang impormasyon na hindi na tulad nang dati ang talent fee na tatanggapin ng mga artista ng ABS-CBN ngayong muli nilang bubuhayin ang mga programa nila.
Sarado ang network, dinidinig pa sa Kongreso kung mabibigyan sila ng prangkisa, pero habang naghihintay ang istasyon ay meron silang ibang paraang naisip para maipalabas ang mga serye ng kanilang network.
May binuo silang Kapamilya Channel ngayon, du’n nakatakdang ipalabas ang mga serye nila, ang FPJ’s Ang Probinsyano ang magiging buwena-mano.
Rerepasuhin ang mga kontrata ng mga personalidad na nakapailalim sa ABS-CBN, pag-uusapan nila ang tatanggaping talent fee ng mga artista, magsasalubong sila sa gitna para sila magkatulungan.
Na madali namang intindihin dahil hindi lang ang lockdown ang pinoproblema ngayon ng istasyon kundi ang pagkakaroon nila ng prangkisa para makapagsahimpapawid uli sila.
Bangkarote ang kanilang kaban, tigil ang mga commercial load na pinagkakakitaan nila, kundi nga naman sila magbabawas ng pangsuweldo sa kanilang mga artista at production staff ay saan sila kukuha ng pondo?
Ayon kay Manay Lolit Solis ay ire-restructure ang kanilang mga kontrata, alam nito ang plano, dahil maraming alagang artista si Manay Lolit na nagtatrabaho sa ABS-CBN.
Aba naman, kung tutuusin ay maganda na ang ganu’ng plano ng mga bossing ng network kesa naman sa walang trabaho ang mga artista, ang mahalaga ay may pumapasok sa kanilang bulsa at hindi puro palabas lang.
Nagkaroon naman ng panahon na parang namimitas lang ng pera ang mga personalidad ng ABS-CBN, malaki ang kanilang kinikita, kaya tiis-tiis lang muna sila ngayong problemado ang kanilang kumpanya.
Ramdam na ang pangangailangan ng mga artista, hindi sila makatatagal na habampanahong wala silang trabaho, kailangan nilang mabuhay.
Kung tatawad man sa kanilang talent fee ang network ay ayos na ‘yun, maganda nang alok ‘yun, kesa naman sa nganga ang kanilang drama.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.