Heart nagbenta ng painting para sa frontliners; Jasmine may ECQ tipid tips
GASTOS nang gastos, labas nang labas ng pera pero wala namang bagong pumapasok sa bulsa.
Siguradong yan ang nagkakaisang hinaing ng lahat ng Pinoy na nawalan ng trabaho mula nang ipatupad ang lockdown sa bansa dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.
Hindi talaga biro ngayong panahon ng pandemya ang kumita ng pera lalo pa at bagsak pa rin ang ekonomiya dahil sa pagsasara ng mga negosyo.
Kanya-kanya ngayong diskarte sa pagtitipid ang lahat lalo na at nasa ilalim pa rin ng enhanced community quarantine ang ilang parte ng bansa.
Para kahit paano’y makatulong sa mga nanay na nagba-budget para sa kanilang pamilya, nagbigay ng tipid tips si “Descendants of the Sun” star Jasmine Curtis kung paano nga ba dumiskarte at makalikom ng extra income sa panahon ng krisis.
Ayon kay Jasmine, paminsan-minsan na lang daw siyang nagpapa-deliver ng pagkain upang makatipid at sa halip ay siya na mismo ang nagluluto.
“I learned how to cook a long time ago and I try to apply that now. Kung mayroon man akong order, kumbaga pang-‘reward’ ko, I make sure na ‘yung order ko is good enough to last me. And puwede kong iluto ulit in another way,” ani Jasmine.
Habang tigil muna sa taping ang pinagbibidahang GMA series na DOTS PH, muling napapanood ang rerun ng Encantadia gabi-gabi pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.
* * *
Patuloy naman ang ginagawang pagtulong ng Kapuso actress na si Heart Evangelista sa mga apektado ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Ang kanya namang binigyan ng tulong ay ang mga frontliner na patuloy na nagsasakripisyo para sa ating mga kababayan.
Sa kanyang latest Instagram post, ibinahagi ni Heart na ang kanyang painting na “Upended 2020” ay naibenta sa Art For Life.
Aniya, “My painting, ‘Upended 2020,’ was sold to Art for Life and the proceeds will go to our dear frontliners. I’m sad to let it go but I’m so so happy that it will be part of someone else’s story.”
Isa si Heart sa mga artistang walang tigil sa pagbibigay ng ayuda sa mga kababayan natin na hirap na hirap na dahil sa krisis at lahat ng ginagastos niya ay mula sa kanyang bulsa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.