2 bata patay, 4 pa katao sugatan sa pagsabog sa Maguindanao
DALAWANG bata ang nasawi at apat pa katao, kabilang ang kanilang magulang, ang nasugatan sa pagsabog sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, kaninang hapon, ayon sa pulisya.
Ang mga nasawi’y 10-anyos at 7-anyos, na kapwa residente ng bahay kung saan naganap ang pagsabog, sabi ni Lt. Melvin Laguting, hepe ng Datu Saudi Ampatuan Police, sa isang panayam sa radyo DZBB.
Hindi pinangalanan ni Laguting ang mga nasawi, pero sinabi na ang mga ito’y kapwa miyembro ng pamilya Tambac.
Nilulunasan pa aniya ngayon sa Maguindanao Provincial Hospital ang apat na sugatan.
Naganap ang insidente malapit sa palengke ng Brgy. Kitango, dakong alas-3:20.
“Based sa investigation natin, parang nagkaroon ng mortar shelling. Pinaputok talaga doon at tumama sa bahay ng mga biktima,” sabi ni Laguting sa panayam.
Ang mortar ay isang uri ng artillery na karaniwang ginagamit ng militar laban sa mga armadong grupo sa Maguindanao.
Sinubukan ng Bandera na kumuha ng detalye ng insidente sa Army 6th Infantry Division na nakakasakop sa lalawigan, pero sinabi ng tagapagsalita nitong si Lt. Col. Edgardo Vilchez na kumakalap pa sila ng impormasyon.
Gayunpaman, sinabi ni Vilchez na imbes na pagpapaputok ng mortar ay pagpapasabog ng improvised na bomba ang nakikita nilang nangyari.
“We are looking into IEDs planted by BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters)/DITG (Dawlah Islamiyah Toraife Group) that detonated in the area,” aniya.
“We don’t have offensive offensive militry operations in the area,” sabi pa ni Vilchez.
Inaalam pa ng lokal na pulisya kung sinong nasa likod ng paagsabog, sabi naman ni Laguting.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.