‘Sayang na sayang kapag bumalik uli tayo sa zero’
MAHIGPIT pa ring pinaninindigan ng mas nakararami nating mga kababayan ang pananatili lang sa kani-kanilang bahay kahit pa medyo nagluwag na ang ating pamahalaan tungkol sa lockdown.
Nakakatakot nga naman kasi, manalamin sana tayo sa naganap sa China, Singapore at Korea, nagluwag din sa kanila pero hindi naging maganda ang resulta nu’n.
Nagkaroon ng pangalawang sultada ang corona virus sa kanila, nadagdagan ang bilang ng mga nagpositibo, kaya naghigpit na naman sila.
Nu’ng Lunes ay napanood naman siguro natin ang kinalabasan ng modified enhanced community quarantine.
Balik sa matinding traffic ang EDSA, nagsuguran sa mga mall ang ating mga kababayan, ang iba ay naka-face mask pero may mga matitigas talaga ang ulo na parang naghahamon pa ng kamatayan.
Tuloy ay nagpahayag ang Palasyo na kapag lumaki pa ang bilang ng mga apektado ng salot ay babalik uli sa ECQ ang maraming lugar na niluwagan na nga.
Disiplina pa rin ang pangunahing katangian na kailangang yakapin ng ating mga kababayan bago sila maglabasan sa kanilang mga tahanan.
Kapag wala ‘yun ay talagang babalik uli tayo sa zero, sayang na sayang naman ang matindi nating pinaghirapan at ipinagtiis nang dalawang buwan.
Sana naman ay pahalagahan ‘yun ng mga taong walang pakialam sa kanilang kapwa, sana naman ay magising ang mga taong ‘yun sa katotohanan na kung hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sariling buhay, irespeto at bigyang-importansiya naman nila ang mga kapwa nilang gusto pang mabuhay nang matagal sa mundo.
Masarap maging malaya mula sa dalawang buwang pagkakabilanggo sa ating mga tahanan, pero harinawang sumunod sila sa disiplinang pinaiiral ng ating pamahalaan, para walang mabuwis na mga buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.