Matindihang contract tracing sa Covid-19 positive palakasin pa! | Bandera

Matindihang contract tracing sa Covid-19 positive palakasin pa!

Jake Maderazo - May 17, 2020 - 02:45 PM

MERON pang 18 araw sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) upang hanapin, i-isolate, at gamutin ang mga kababayan nating positibo sa Covid-19.

Sa ngayon, meron tayong 12,305 kumpirmadong kaso, 817 nasawi at 2,561 nakaka-recover. Subalit, may backlog na 7,000 tests ang DOH at mga accredited laboratories na kailangang matapos upang makita ang tunay nating sitwasyon.  Kung percentage ang pag-uusapan, madaragdagan ng panibagong 850 positive o nasa higit 13,000 level tayo, hindi sa 12,000.

Sa ngayon, meron nang 215,060 PCR/RT tests ang DOH at pribadong sektor na masasabing 1,966 per 1 million population ratio. Kulelat tayo kumpara sa Malaysia-13,345/1M, Thailand-4,099/1M, Vietnam-2,828/1M o South Korea-14,584/1M, bagamat mas mataas tayo ng bahagya sa Indonesia-1,923/1M .

Kaya naman, matindi ang pagkukumahog ng gobyerno, Red Cross, LGU at pribadong sektor na paigtingin ang Covid-19 testing. Ginagamit ng LGUs at PROJECT ARK ng mga private businessmen ang “rapid anti-body testing” sa kanilang mass inititiatives.

Kapag nagpositibo sa rapid, ilalagay sila sa quarantine facilities at kukumpirmahin sa “swabbing” ng PCR/RT ng DOH o Red Cross kung sila’y Covid positive. Sa ganitong paraan, nahihiwalay kaagad ang mga maysakit at mga nahawaan nilang “contacts” o kaanak. Pero, mabagal pa rin ang takbo na mula 8,000 hanggang 11,000 tests a day pa lamang.

Dito sa Metro Manila na epicenter ng Covid-19 at nasa MECQ, kailangang mag-mass testing ng hanggang 2.5 percent ng kabuuang 13-milyon na populasyon o mga 325,000 katao. Kung isasama ang MECQ provinces na Cebu at Laguna na merong tig-4.7 milyon at 3 milyon populasyon, idadagdag ang 117,500 at 75,000 na mass testing.

Ibig sabihin, kabuuang 617,500 tests o bagong 402,000 tests ang dapat gawin ngayon hanggang katapusan ng Mayo. Eksakto sana ang 30,000 tests a day, pero wala tayong magagawa , kung iyun lang ang kakayanin ng gobyerno at pribadong sektor.

Pero, napakagandang plano ang pagtalaga ng higit 1-milyon contact tracers bilang “emergency employees” sa panahong ito ng Covid-19.

Ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez at sinegundahan naman ni Albay Rep. Joey Salceda, magkakaroon ng tig-apat na “contact tracers” bawat baranggay upang hanapin-“track”, tuntunin -“locate” at gamutin- “treat” ang mga Covid-19 patients sa buong bansa.

Sa ganitong paraan, mahihiwalay natin sa “general population” ang mga positibo at contacts nila habang nagbibigay tayo ng “trabaho” sa bawat baranggay.

Tutal, sumasapat na ang mga quarantine at medical facilities natin sa buong bansa at kaya nang gamutin ang mga pasyente upang gumaling at hindi na makapang-hawa.

Sa pananaw ng mga eksperto, maganda-ganda na ang sitwasyon natin matapos ang dalawang buwang “stay at home” at quarantine. Buong bansa ay nasa General Community Quarantine (GCQ) at ang Metro Manila, Cebu at Laguna lamang ang nasa MECQ.

Fifty percent nang bukas ang mga malls sa GCQ, bagamat wala pang public transportation sa MECQ. Marami pa tayong adjustments sa ilalim ng ng “new normal”, pero sa kabuuan, ang talagang pag-iingat ay nasa bawat isa sa atin.

Talagang physical distancing, face masks, paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa mga umuubo at suspected COVID carriers, ang kailangan nating gawin. Tumulong tayo sa gobyerno at pribadong sektor upang malaman natin ang mga COVID positives.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Lilipas din ito, pero sa ngayon, kaligtasan at kalusugan ng ating pamilya ang tanging prayoridad. Kung mahal natin ang sarili lalo na ang ating mga mahal sa buhay, pag-ingatan nating mahawa o makahawa sa kapwa.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending