Angel sa NTC: Kung may mali ayusin po natin, hindi closure ang solusyon
“ANG pagpapasara po ng network sa gitna ng pandemya ay hindi po solusyon at hindi po makakatulong sa maraming Pilipino.”
Yan ang ipinagdiinan ni Angel Locsin sa muli niyang pagharap sa ikalawang Laban Kapamilya Facebook Live chat kagabi kasama ang iba pang artista ng ABS-CBN na naglabas din ng kanilang saloobin sa pagpapasara sa network.
Sinimulan ng aktres ang kanyang pahayag sa pagbibigay ng mensahe sa publiko patungkol sa patuloy na paghihirap at sakripisyo ng bawat Pinoy sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
“Naniniwala po ako na, if we get through this pandemic alive, physically and mentally healthy, para po sa akin, isa na po itong napakalaking accomplishment,” ani Angel.
Sinundan ito ng kanyang panawagan sa lahat ng mga taong nasa likod ng pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN kabilang na nga riyan ang National Telecommunications Commission (NTC) na siyang naglabas ng cease and desist order.
“Sana ma-extend ang prangkisa ng ABS-CBN. Hindi lamang po ito makakatulong sa mga manggagawa ng ABS-CBN, kundi para sa mga nag-aabang ng updates, ng entertainment, ng information.
“Kung may kailangan pong manawagan, kung may nawawalang bata, kung may kailangan po ng tulong at kung ano pa,” pahayag ng aktres na itinuturing din ngayong bayani dahil sa pagtulong niya sa COVID-19 relief mission.
Sabi pa ng dalaga, marami pa ring Pinoy ang umaasa sa telebisyon at radyo para makakuha ng impormasyon at balita.
“Huwag po sana nating kalimutan na ang majority po dito sa Pilipinas ay wala pa pong access sa mabilis na internet, o internet mismo.
“Meron pa po tayong mga kababayan na sa radyo pa rin nakadepende, kabilang po diyan ang tatay ko na bulag.
“Alam ko po na meron po tayong ibang network, but the more information, the easier the access to information to everyone, is better. Alam po nating lahat na sa pandemyang ito, every second counts,” paliwanag ni Angel.
Muli, nanawagan ang aktres sa NTC, “Humihingi po ako ng extension sa NTC para po meron din pong time ang ating kongreso para sa maayos na pagdinig at paglilitis. Wala pong VIP treatment doon.
“Again, kung may mali po, ayusin po natin. Pero hindi po ang closure ang solusyon, lalo na po ngayon sa panahon ng pandemya. Bigyan niyo po sana ng pagkakataon ang ABS-CBN na makapagpaliwanag, at kung anuman ang pagkakamali ay ma-improve pa po.
“Uulitin ko po, ang pagpapasara po ng network sa gitna ng pandemya ay hindi po solusyon at hindi po makakatulong sa maraming Pilipino,” aniya pa.
Bukod kay Angel, humarap din sa Facebook Live chat sina Jodi Sta. Maria, Shaina Magdayao, Enchong Dee at Angelica Panganiban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.