'Kim parang sundalong isinabak sa giyera...may baril pero kapos sa bala' | Bandera

‘Kim parang sundalong isinabak sa giyera…may baril pero kapos sa bala’

Cristy Fermin - May 12, 2020 - 01:03 PM

KIM CHIU

KAINTI-INTINDI ang pagdedepensang ginagawa ni Kim Chiu sa ABS-CBN. 

Siya ang maituturing talagang homegrown talent ng ABS-CBN dahil nag-ugat ang kanyang karera sa “Pinoy Big Brother.”

    Mula sa isang simpleng dalagita na nangangarap sa Cebu ay naging kalahok siya sa malaking bahay, siya ang nakakuha ng korona, hanggang sa lumaki na nang lumaki ang kanyang pangalan.

    Natural, dahil napakalaki ng utang na loob niya sa Dos ay napakasakit para sa kanya ang pagpapahintong umere ang kanyang mother network, kaya nagsasalita siya ngayon bilang paglalabas ng kanyang emosyon.

    Kaya nga lang ay parang sundalo si Kim na isinabak sa giyera nang hindi masyadong handa. Meron nga siyang baril pero kapos sa bala.

    ‘Yun ang dahilan kung bakit siya pinagtitripan ngayon ng mga bashers sa social media, para kasing kung anu-ano na lang ang kanyang mga pinagsasasabi, ang dami-dami niyang memes ngayon.

    Kung sana’y inupo muna siya, kung sana’y ipinaliwanag man lang sa kanya ang mga puntong puwede siyang kuwestiyunin, sana’y hindi naging ganyan ang pagtanggap ng publiko sa kanyang mga litanya.

    Pero ang mahalaga ay ang kanyang layunin, ang sinsero niyang pagtanaw ng utang na loob sa network na namuhunan sa kanyang talento, kaya nagbago ang takbo ng buhay ng kanyang pamilya.

    Totoo naman ang kanyang sinabi na dati’y isang maliit na lugar lang ang tinitirhan nila sa Cebu. Nagsisiksikan silang magkakapatid, kaya nga nu’ng meron na siyang kapasidad at kumikita na nang maayos, bahay agad ang naisipan niyang ipundar.

    Ganu’n naman talaga ang takbo ng utak ng bawat tao, kung saan siya pinagdamutan, du’n siya sa aspetong ‘yun babawi.

    Ipinagpatayo niya ng bahay ang kanyang pamilya sa Cebu, meron din siyang magarang bahay dito sa lunsod, at para kay Kim ay wala lahat ‘yun sa kanya kundi dahil sa ABS-CBN.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

    Kaya may dahilan para makipaglaban siya sa inabot na kapalaran ng kanyang network, hawak niya ang kalayaang ‘yun, hindi nga lang niya masyadong naidiin ang kanyang mga punto sa pagtatanggol niya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending