Nilabag ba ng NTC ang right to due process ng ABS-CBN?
DAHIL sa napaso o expired na ang franchise ng ABS-CBN noong May 4, 2020, nagpalabas agad ng Cease and Desist Order (CDO) noong May 5, 2020 ang National Telecommunications Commission (NTC).
May allegation ang ABS-CBN na hindi sila binigyan ng pagkakataon ng NTC na magpaliwanag muna kung bakit hindi dapat ilabas ang CDO bago ito inisyu. Dahil dito, sinasabi ng ABS-CBN na nilabag ng NTC ang right to due process nila na ginagarantiyahan ng Constitution. Ang sabi ng ABS-CBN, dapat binigyan muna sila ng pagkakataong magpaliwanag bago nilabas ng NTC yung CDO.
Maraming nagtatanong kung nabigyan nga ba ng angkop na pagkakataon o due process ang ABS-CBN nang biglang nagpalabas ng CDO ang NTC.
Ano ba ang due process? Ito ay isang legal na prinsipyo na kung saan binibigyan muna ng pagkakataon malaman ang mga sumbong at paratang at magpaliwanag dito bago magkaroon ng hatol.
Ang ibig sabihin, dapat ipaalam muna yung mga paratang, accusation o yung paglabag sa isang batas o alituntunin tapos bigyan ng pagkakataoon magpaliwanag tungkol dito. Matapos madinig ang paliwanag, saka lang maghahatol o maghuhusga.
Maliwanag na sa due process, dapat mabigyan muna ng pagkakataon magpaliwanag bago maglabas ng hatol. Sabi nga ni Themosticle ” Strike, but hear me first”.
Ang prinsipyo at pag-obserba sa due process ay applicable hindi lamang sa mga Korte, ito rin ang gumagabay sa mga quasi-judicial bodies tulad ng National Telecommunications Commission.
Maski ang Diyos binigyan at nag-obserba ng due process bago hatulan at parusahan sina Adan at Eba.
Bagamat alam na ng Diyos na nilabag nina Adan at Eba ang kanyang kautusan na huwag kainin ang pinagbabawal na prutas, hindi niya agad pinarusahan ang mga ito. Tinanong pa rin ng Diyos ang dalawa kung kinain nila ang pinagbabawal na prutas at bakit nila ito kinain.
Ginawa ito ng Dios para mabigyan ng pagkakataon ang dalawa na magpaliwanag.
Matapos mapakinggan ang paliwanag nina Adan at Eba saka lang nagbaba ng hatol ang Diyos.
Ang isang magandang halimbawa ng due process ay ang ginawa ng Committe on Legislative Franchise ng House of Representatives.
Naglabas ng show cause order ang nasabing Committee noong May 11, 2020 kung saan binibigyan nito ng 72 oras ang apat na opisyal ng NTC upang ito ay magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat i-cite for contempt o parusahan. Ito ay dahil sa diumano hindi nito pagsunod sa napagkasunduang payagang makapag operate pa din ang ABS-CBN pagkatapos ng May 4, 2020.
Ginawa ito ng Committee on Legislative Franchise ng House of Representatives para mabigyan ng pagkakataon ang apat na opisyal ng NTC na makapagpaliwanag bago ito mag desisyon kung ito ay paparusahan o hindi.
Ginalang ng nasabing committee ang right to due process ng apat na opisyal ng NTC, kaya ito ay nagpalabas muna ng show cause order bago gumawa ng hatol.
Ito ang tunay na due process.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.