Hamon ni Juday: Harapin po natin ang tunay na kalaban, hindi po kami yun!
BILANG isang Filipino na nagbabayad ng tamang buwis, naniniwala si Judy Ann Santos na may karapatan din siya na magsalita tungkol sa hindi makatarungang pagpapasara sa ABS-CBN.
Humarap si Juday sa madlang pipol, kasama ang iba pang Kapamilya stars sa ginanap na online protest na “Laban Kapamilya” kagabi para manindigan sa hinaharap na issue ng kanilang mother network.
Alam ng lahat na literal nang lumaki ang aktres sa ABS-CBN at talagang itinuring na niya itong second home kaya handa siyang ipaglaban ito hanggang sa abot ng kanyang makakaya.
“Ang bawat isang tao, may kanya-kanyang opinyon sa nangyari at pangyayari sa kasalukuyan,” simulang pahayag ni Juday.
“Bilang Pilipino na nagbabayad ng buwis, bilang isang ina, anak, asawa at Kapamilya, katulad po ninyo, may opinyon po ako sa nangyari sa ABS-CBN,” aniya pa
Hindi raw siya nagmamarunong pagdating sa batas, pero base sa mga ipinakita at inilatag na mga ebidensiya ng Dos, naniniwala siya na hindi dapat ipinatigil ang operasyon ng istasyon.
“Ang tanong ko lang naman po, simple lang naman, siguro kahit nga grade 2 masasagot ito, o kahit siguro grade 2, ito rin ang tanong, Ano pong nangyari sa proseso?
“Bakit po kinailangan na gawin ito sa ABS-CBN ngayon? Na sa panahon mismo ngayon na lahat tayo nasa bahay, na kasalukuyang natatakot at nag-iisip kung ano ba ang kinabukasan talaga natin,” nagtatakang pahayag pa ng misis ni Ryan Agoncillo.
Pagpapatuloy pa niya, “Kailangan pa po ba natin na madagdagan ang lungkot at pangamba na ating nararamdaman na meron na tayo sa pangkasalukuyan?”
Hirit pa ni Juday, ang inuuna dapat ng gobyerno ay ang kapakanan ng mas nakararaming Pinoy ngayong panahon ng krisis at hindi ang isang kumpanyang maraming natutulungan at napapasaya.
“Sa mga ganitong panahon, na wala tayong laban sa isang kontrabida na hindi natin nakikita at wala tayong kalaban laban sa oras na tinamaan tayo nito, hindi ho ba pwede na magkaisa na muna tayo at magtulungan para malagpasan ang epidemyang ito?” chika pa ni Juday.
Panghuling mensahe pa ng aktres, “Harapin po natin ang tunay na kalaban, hindi po kami ang kalaban, hindi po ninyo kalaban ang ABS-CBN, sa panahong ito, tayong lahat dapat ay magkakampi.”
Humarap din sa madlang pipol sa pamamagitan ng live online protest sina Coco Martin, Boy Abunda, Bianca Gonzalez, Bela Padilla at Kim Chiu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.