Coco galit na galit: Dapat sa inyo usapang sanggano at walanghiyaan!
NAPAMURA sa galit at sama ng loob ang Teleserye King na si Coco Martin matapos ipag-utos ng National Telecommunications Office ang pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN.
Sa ngayon, black screen na lang ang makikita sa Kapamilya channel dahil sa pagsunod ng network sa Cease and Desist Order ng NTC ngayong araw.
Dahil dito, nagkaroon ng malawakang online protest mula sa mga artista, empleyado at mga tagasuporta ng ABS-CBN. Kanya-kanyang post ang mga ito ng kanilang pagsuporta sa #NoToABSCBNShutdown.
Isa na nga riyan si Coco na talagang nagbuhos na ng sama ng loob sa pamamagitan ng kanyang Instagram account.
“Tutal wala naman kasiguraduhan kung buhay pa ako pagkatapos ng pandemic na ito. Tama lang na masabi ko ang mga saloobin ko,” simulang pahayag ng aktor.
“Sa mga taong pilit nagsulong sa pagpapasara sa ABS-CBN, sana ay panatag na panatag na ang kalooban niyo. Sana nagdala ito ng lubos na kaligayahan sa mga puso ninyo.
“Mahirap magsawalang-kibo sa mga taong katulad ninyo na patuloy na nang-aabuso. Wala kayong mga konsensiya, naatim niyong pagkaitan ng hanapbuhay at pabayaang magutom ang ilang libong mga pamilya! Lalo lang lulubog sa kahirapan ang mga Pilipino! Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?
“Hindi ako mangingiming sabihin ang totoong nararandaman ko ngayon. Sa mga taong tulad niyo na hindi karapat-dapat pakitaan ng diplomasya at pagkamalumanay. Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan!
“Galing ako sa hirap at jologs ang pagkatao ko, kaya wala akong pakialam ngayon kung anong sasabihin ng ibang tao.
“Hindi man ako kasing talino ng iba, alam ko at malinaw sa akin na MALI at KAWALANG KATARUNGAN ang tanggalan ng hanapbuhay ang ilang libong empleyado ng isang kumpanyang naglilingkod sa sambayanang Pilipino ng ilang dekada!
“Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!
“TINATARANT**DO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!”
Nauna rito, may mahaba ring mensahe si Coco bago pa mamaalam sa ere ang network. Narito ang ilang bahagi ng kanyang IG post.
“Pasensya na po dahil hindi ko na mapigilan ang sobrang galit na nararamdaman ko. Nakakapagod nang manahimik at magpigil kung ang mga nasa paligid mo naman ay mga walang-pusong tao.
“Anong klaseng mga tao ang gumawa nito? Alam ninyo na ang ibig sabihin ng pagkasara ng ABS-CBN ay kawalan ng trabaho ng ilang libong empleyado kasama ang mga pamilya nito. Ilang libong pamilya ang magugutom sa kabila nang lahat ng nangyayari sa mundo ngayon.
“Talaga bang nagawa niyong unahin ang pagpapasara ng isang istasyon na bumubuhay sa napakaraming Pilipino? Ang lahat ng mga tao ngayon ay pagtulong at pag-agapay sa kapwa ang hangarin, lalo na ang ABS-CBN. Napakalaki ng iniambag at patuloy na nagaambag upang umabot ang tulong sa lahat ng nangangailangan.
“Sila ang inaasahan ngayon ng maraming tao para maghatid ng balita sa bawat araw, sila rin ang daan para maiparating ng mga tao ang kanilang saloobin at pinagdadaanan sa krisis na ito. Sa gitna ng laban natin sa COVID 19, hindi tumitigil ang ABS-CBN para magbigay ng aliw, ligaya at pag-asa sa mga tahanan ng sambayanang Pilipino.
“At sa gitna rin ng lahat ng ito, hindi iniwan o pinabayaan ng ABS-CBN ang mga empleyado nito, inagapay niya ang bawat empleyado upang makaraos. Hindi ko alam kung anong klaseng mga tao kayo at kung anong klaseng konsensiya ang mayroon kayo para maisip niyong ipasara ang ABS-CBN sa gitna ng daan at libong mga taong nagkakasakit at namamatay dahil sa epidemyang ito.
“Hindi kayo ang mga taong dapat kinakausap ng maayos, ang dapat sa inyo tapatan ng kabastusan at kawalanghiyaan tulad ng inaasal ninyo!
“Wala man akong gaanong kaalaman sa batas at maaring masmarunong kayo sa akin, pero sana naisip niyo man lang ang sitwasyon ng ating bansa! Sana sa wakas ay makatulog kayo ng mahimbing at maipagmalaki niyo ang naggawa ninyo! Sana ipagkapuri kayo ng pamilya ninyo sa tagumpay ninyong gutumin at yurakan ang mga buhay ng ilang libong pamilya!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.