Roque nakiusap: Wag munang ituloy ang misa at iba pang religious activities sa GCQ
MATAPOS ihayag na maaari na ang misa at iba pang religious gatherings sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ), nakiusap ngayong gabi si Presidential Spokesperson Harry Roque sa Simbahan na wag na munang itong simulan bukas habang nirerepaso ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga reklamo ng mga lokal na opisyal laban dito.
“Kaya po nakikiusap ako dahil ito po ay naka-table na po sa IATF, sa pagpupulong bukas. Siguro po, huwag muna nating ituloy dahil ang concern naman po nila ay balido na lalo na po iyong sabi ni Senator Angara, ang karanasan ng ibang mga bansa, talagang sa mga religious gatherings daw po nakukuha iyong sakit at iyan din ang sinabi po ni Senator Zubiri,” sabi ni Roque.
Idinagdag ni Roque na sunod-sunod din ang pahayag ng mga governor at mayor na nananawagan na ikonsidera ang desisyon na payagan ang misa, pagsamba at iba pang religious activities.
“Pinutakte po ako ng protesta galing po sa mga governors at mayors, iyong mga areas na nasa GCQ…si Gov. Rodito Albano ang sabi nga sa akin ay parang nabalewala na iyong pag-iingat sa sakit kung papayagan iyang mga religious gatherings dahil talagang ang estado naman hindi pupwedeng pumasok sa Simbahan at sa Mosque para paghiwa-hiwalayin ang mga tao, iyan po ay hindi nila magagawa.
Idinagdag ni Roque na napapanahon ang pagkontra ng mga LGUs dahil pagdiriwang din ng Ramadan.
“So, siguro po ipagpaliban muna natin hanggang magkaroon ng pagkakataon na magkaroon na naman ng balitaktakan dito sa IATF. At humihingi po ako ng pasensya,” giit pa ni Roque.
Kaninang umaga, sinabi ni Roque na papayagan na sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ simula bukas ang mga misa bastat may social distancing na dalawang metro at magsusuot ng face masks.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.