UMAABOT sa 12.87 milyon ang populasyon sa Metro Manila noong 2015 census mas marami pa sa 8.5 milyong tao sa mas malawak na New York ngayong taon.
Kaya mahalaga umano na maging seryoso ang Balik-Probinsya program na ipatutupad ng gobyerno ayon kay Ang Probinsyano Rep. Alfred Delos Santos.
“Nakikita natin na isang magandang oportunidad at panimula ang Balik-probinsya Program upang makauwi ang ating mga kababayan at para na rin isulong ang pag-unlad sa mga probinsya,” ani Delos Santos.
Upang umuwi sa probinsya at hindi na bumalik sa Kamaynilaan, sinabi ni Delos Santos na dapat palakasin ang mga negosyo sa mga lalawigan upang magkaroon ng kabuhayan ang mga tao roon.
“Sa pamamagitan ng pagbibigay insentibo para sa mga negosyo at livelihood assistance sa mga pamilyang nagnanais umuwi sa kanilang mga probinsya, maiibsan natin ang paglobo ng populasyon sa Metro Manila at mabilis na masugpo ang pagkalat ng mga sakit tulad ng ating nararanasan na COVID-19,” dagdag pa ni Delos Santos.
Isinulong ni Sen. Bong Go ang balik probinsya program upang ma-decongest ang Metro Manila.
“Nakikiisa tayo sa mga kapwa nating mga kababayan sa panahong ito at nagnanais na bumalik sa kani-kanilang mga probinsya. Naging mahirap ang halos dalawang buwan para sa lahat at ang iba pa nga ay nawawalan na ng pag-asa,” dagdag pa ng solon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.