Reklamo kay Angelika: May tiktik sa Malabon…mahaba dila, may pakpak
“MAY aswang sa Malabon!”
Yan ang sumbong ng isang residente mula sa Barangay Longos kay Kapitana Angelika dela Cruz.
Kaninang umaga, ibinalita ito ng Kapuso actress sa kanyang followers sa social media at ipinost pa ang screenshot ng mensaheng ipinadala sa kanya ng isa nilang kabarangay.
Ayon sa residente, may nakakita raw ng “tiktik” sa isang lugar sa Barangay Longos, mahaba raw ang dila nito at may pakpak. Nakita raw itong sumisilip sa bubong ng isang bahay doon.
Mensahe ng residente kay Angelica, “May kumakaLat na baLita sa barangay Longos daw mam. if im not mistaken kau po Brgy. Capt.
“Nagkagulo mga kapitbahay namin ngayon. Akala ko may gulo, ‘yun pala may tiktik na sumilip sa bu(b)ong kapitbahay namin. Mahaba dila.
“Nakita mismo ng kapitbahay namin na may pakpak. May nakakita kaya nag sisigaw ‘yun. Nakakita ng aswang, may buntis kasi.
“Akala ko may away sa labas. Sa lugar po ito ng Longos, Malabon.”
Ayon sa Philippine folklore, ang tiktik at isang uri ng aswang na nambibiktima ng buntis sa pamamagitan ng pagpunta sa bubong ng bahay at gamit ang mahabang dila nito, kakainin niya ang sanggol mula sa sinapupunan ng buntis.
Ito naman ang mensahe ni Angelika sa natanggap na “reklamo”, “Pag Kapitana ka lahat ng uri ng tao makaka salamuha mo at lahat ng reklamo maririnig mo.”
Inamin din ng actress-politician na natawa talaga siya sa reklamong “tiktik”, “Ang sagot ko nalng sa kanya… kuya ghostbusters po ang kailangan sa ganyan… Goodmorning everyone.”
May isang nagtanong kay Angelika kung “legit” ang reklamo ng kanyang kabarangay, “Yes natawa nga ako ng bongga.”
Pati ang singer-actress na si Jessa Zaragoza ay napa-comment sa post ni Angelica na sinagot naman ng Kapitana ng, “Haha! Ang cute nila diba.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.