Luisito Espinosa nabiyayaan ng P250,000 grant mula WBC | Bandera

Luisito Espinosa nabiyayaan ng P250,000 grant mula WBC

Frederick Nasiad - April 16, 2020 - 06:58 PM

Sa dami ng sad news na naririnig at nababasa natin ngayon dahil sa COVID-19 ay uhaw na uhaw na ang sambayanan sa good news.

Kaya naman laking tuwa ko nang ibalita sa amin ni Games and Amusements Board (GAB) chairman Baham Mitra na natanggap na ni dating two-time world boxing champion Luisito Espinosa ang $5,000 (P250,000) cash grant mula sa World Boxing Council (WBC).

Kinumpirma ito mismo ni “Lindol” kay Mitra nitong Martes, sabay pasalamat sa butihing chairman sa suportang ibinibigay niya sa mga Pinoy prize fighters retirado man o aktibo pa sa mundo ng boxing.

Malaking bagay at perfect timing ang ayuda na ibinigay ng WBC kay Espinosa, na naghari sa featherweight division noong dekada 1990.

“Pandagdag sa mga gastusin kasi ilang buwan na rin walang kita, walang trabaho,” sabi ni Espinosa na nakatakda sanang bumalik sa kanyang trabaho bilang gym instructor sa Dalian City, China nitong Pebrero pero minabuti niyang huwag nang umalis muna ng bansa dahil sa pandemic.

“Kaya ang laking pasalamat ko sa ibinigay ng WBC. Malaking tulong ito lalo na ngayong panahon ng krisis,” aniya.

Ang cash gift na ito ng WBC ay hindi bunsod ng coronavirus pandemic. Ito ay programa ng WBC sa ilalim ng Jose Sulaiman Boxers Fund na may layuning magbigay ayuda sa mga dating kampeon ng WBC na nakapagbigay ng malaking kontribusyon sa boxing.

Nauna nang nabiyayaan ng $10,000 (P500,000) si dating WBC flyweight champion Erbito Salavaria at $2,500 (P125,000) si dating WBC junior lightweight champion Rene Barrientos mula sa Financial and Medical Hardship Grant ng WBC.

Si GAB chairman Baham Mitra (gitna) kasama ang mga dating WBC champion na sina Luisito Espinosa (kanan) at Erbito Salavaria.

Ngayong naka-enhanced community quarantine (ECQ) ang malaking bahagi ng bansa ay patuloy na ginagabayan ni Mitra ang mga professional fighters, trainers at promoters hindi lamang ng boxing kundi pati sa mixed martial arts (MMA) at muay thai. Noong isang linggo ay dumulog si Mitra sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maisali ang mga ito sa amelioration program ng gobyerno.

Positibo naman ang tugon para dito ng DOLE at DSWD at kasalukuyan nang ipinamamahagi ng GAB ang mga social amelioration card forms sa lahat ng mga fighter, trainer at promoter na lisensiyado ng GAB.

Malaking tulong ito sa mga boxers lalo na iyong mga napurnada ang laban dahil sa COVID-19.

“Sa GAB, lagi naman kami nakahandang tumulong sa kapakanan ng ating mga boksingero,” sabi ni Mitra.

Ang lahat ng mga dating Filipino world boxing champion, kabilang na si Espinosa, ay may natatanggap ding buwanang P3,000 allowance mula kay Thai promoter at philantrophist Naris Singwangcha na pumirma ng kasunduan sa GAB noong Enero 2018.

Nitong Enero lamang ay ibinaba na ng Korte Suprema ang desisyon hingil sa ‘fight purse’ na hindi pa natatanggap ni Espinosa mula sa kanyang 1997 title fight laban kay Carlos Rios of Argentina sa Koronadal, South Cotabato. Ipinag-utos ng Mataas na Hukuman na bayaran ng mga kaanak ng yumaong boxing promoter na si Rodolfo Nazario si Espinosa ng $130,349 ( P6.5 million) plus interest.

Ayon kay Espinosa, may mga nag-aasikaso na para makuha niya ang perang ito bagaman nakabinbin ito ngayon dahil sa ECQ.

“Sana nga ay makuha ko na iyon kasi ang hirap ng buhay, lalo na ngayon, wala akong tranbaho dahil sa COVID-19,” wika ni Espinosa. “Kung maibigay na sana yung pera ko di na ako babalik sa China at mananatili na ako dito.”

Sa ngayon ay chill-chill lang muna si Espinosa sa bahay nito sa Gen. Trias, Cavite kasama ang kanyang pamilya at patuloy na naghihintay at umaasa na sa lalong madaling panahon ay magbabalik na sa normal ang buhay ng mga Pilipino.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pero habang wala pang gamot sa coronavirus at habang naka-ECQ pa ang mga Pinoy ay paalala ni Lindol: “Stay at home muna tayo. ‘Wag pasaway.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending