Sean Anthony kinilala bilang PBA Defensive Player of the Year
PATULOY ang pagsikat ni Sean Anthony matapos na kilalanin bilang PBA Press Corps Defensive Player of the Year ng Season 44.
Ang pagpili kay Anthony ay sumunod sa pagkakasama niya sa Mythical First Team at All-Defensive Team sa ginanap na PBA Leo Awards nitong nakaraang buwan.
Ang do-it all forward ang nagsilbing top defender ng NorthPort Batang Pier kung saan pinamunuan niya ang liga sa pagtala ng 2.4 steals kada laro at nagpamalas ng mahusay na depensa sa loob ng hardcourt.
Ang nakaraang season ay nagsilbi ring best offensive year para kay Anthony kung saan nag-average siya ng 16.4 puntos, na naglagay sa kanya bilang seventh best scorer ng liga, maliban pa sa pagtala ng 7.6 rebounds (fifth best) at 3.8 assists.
Ang 6-foot-4 forward na si Anthony ang siya ring naging leading scorer ng Batang Pier para sa mga locals ng nakaraang season, na naglagay sa kanya bilang isa sa top two-way players ng liga sa kasalukuyan.
Kabilang sa mga naunang tumanggap ng prestihiyosong parangal sina Chris Ross, June Mar Fajardo, Poy Erram, Marc Pingris, Chris Jackson, Freddie Abuda at Gabe Norwood.
Ang Defensive Player of the Year ay isa sa 11 parangal na ibinibigay sa PBA Press Corps Awards Night, na nakatakda sanang ganapin noong Marso 16 sa Novotel Manila subalit ipinagpaliban bunga ng coronavirus pandemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.