TRENDING ang hashtag #ArrestMochaNow sa socia media matapos manawagan ang mga netizen na arestuhin si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson.
Sigaw ng madlang pipol dapat sampahan ng kaso ang singer dahil sa umano’y pagpapakalat ng fake news para maturuan ito ng leksyon.
Inireklamo si Mocha matapos umanong gumamit ng maling photo sa isang post niya sa Mocha Uson Blog sa Facebook. Makikita rito ang news item mula sa isang broadsheet tungkol sa pagdating sa bansa ng 15,000 sets ng personal protective equipment (PPE).
Ginamit sa post ang mga litrato kung saan makikita ang pag-deliver ng mga PPE sa airport at ang isa nama’y ang photo ng mga frontliners na nakasuot ng PPE. Ayon sa artikulo, ang mga PPE ay kabilang sa mga binili kamakailan ng Department of Health (DOH).
Nitong April 2 in-upload ang post sa Mocha Uson Blog pero kahapon lang napansin ng mga netizen na mali ang litratong ginamit sa artikulo. Paglilinaw nila ang PPE na suot ng frontliners ay mula sa SM Foundation at hindi galing sa DOH.
Isang nagngangalang Dr. Sheena Ong, mula sa Department of Anesthesia ng The Medical City ang nag-post sa Facebook at nagpatunay na ang helmet-face shields at N95 masks na suot ng frontliners ay mula sa ibinigay ng SM Foundation habang ang blue gowns at gloves ay pag-aari ng The Medical City.
Kasabay nito, nanawagan ang doktor na ireklamo sa otoridad ang tinawag din niyang fake news para managot ang mga taong dapat managot, “It is misleading,” aniya pa.
Nag-sorry naman agad si Mocha at tinanggal na ang maling photo sa kanyang blog, “I have profusely apologized for this error, but I believe it is not fair for you to hold ONLY ME accountable. This leads me to believe that you are not merely seeking transparency and accountability, but simply waging an attack against me on social media.”
Pero sa kabila ng paghingi ng paumanhin sa publiko, maraming netizens ang nagsabi na desidido silang ipatanggal sa pwesto at ipaaresto ang OWWA official.
Isa pa sa mga kumampi sa netizens ay si dating Solicitor General Florin “Pilo” Hilbay. Hinamon nito ang gobyerno na arestuhin si Mocha dahil sa paglabag sa Bayanihan Act.
“The Bayanihan Act dangerously criminalizes fake news. O sige nga #ArrestMochaNOW,” ani Hilbay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.