Wish ni Yorme kay Angel: Sana mabasa ka ng ulan para dumami ka pa!
“MABASA ka sana ng ulan para dumami ka pa!”
Yan ang wish ni Manila Mayor Isko Moreno para kay Angel Locsin sa walang sawang paghahatid nito ng ayuda para sa mga bayaning Pinoy frontliners.
Ito’y matapos ngang mag-donate ang Kapamilya actress kasama ang fiancé nitong si Neil Arce ng dalawang isolation tents sa Maynila para matuluyan ng mga medical a at healthcare workers.
Dinala ang mga tent sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo kamakailan bilang bahagi ng #UniTENTweStandPH fundraising campaign ng Team Angel para sa paglaban sa COVID-19.
Ayon sa aktres, ang mga isolation tents ay maaaring ipagamit sa mga Person Under Investigation (PUIs) o ng mga COVID-19 positive.
Sa pamamagitan ng livestream public announcement, nag-thank you si Yorme Isko sa lahat ng nagbigay ng donasyon sa kanilang lugar. Partikular nga niyang binanggit diyan sina Angel at Neil.
“Si Angel Locsin. Siya po ay isang artista, at kilala po ninyo at kilala nating lahat si Angel Locsin, and Neil Arce.
“Nagbigay po sila ng dalawang big tent for Gat Andres Bonifacio Hospital. Maraming salamat sa iyo, Angel Locsin.
“At patuloy ka sanang magtagumpay sa iyong karera. At mabasa ka sana ng ulan, nang dumami ka pa,” pahayag pa ng alkalde.
Nais ni Yorme na dumami pa ang tulad ni Angel na walang pagod sa paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan.
Sa mga hindi maka-gets sa sinabi ni Mayor Isko, posibleng ang tinutukoy niya ay ang maliliit na creatures sa American horror-comedy movie na “Gremlins” noong 1984. Sa kuwento, biglang dumarami ang mga gremlin kapag silay nababasa.
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang paghingi ng donasyon ng #UniTENTweStandPH ng Team Angel para sa patuloy na pagpapatayo ng mas marami pang isolation tents.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.