Fake cop, naka-uniporme at may baril, huli sa checkpoint
ARESTADO ang isang lalaki na nagsuot ng uniporme ng pulis na hiniram niya sa isang nagretiro sa serbisyo para makadaan sa checkpoint sa Quezon City kahapon.
Si Henry Ysulat Jr., 29, ng Gen. Lucban st., Bagong Silangan, ang ikalawang nagpanggap na pulis na nahuli sa checkpoint na isinasagawa sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.
Wala ring naipakitang papeles si Ysulat sa kalibre 9mm baril na dala nito.
Dumaan umano ang suspek sa checkpoint sa Payatas Rd., sa boundary ng Quezon City at Rodriguez, Rizal alas-9:30 ng umaga.
Nakasuot ang suspek ng General Police Attire uniform ng PNP at sakay ng Mio Sporty motorcycle.
Nagpakilala umano ang suspek na miyembro ng Police Security and Protection Group. Nang hingian ng identification card ay wala itong maipakita kaya nagduda ang mga pulis.
Bukod sa 9mm Pistol Browning Arms Company Morgan, nakuha rin umano sa suspek ang 32 piraso ng bala ng 9mm, anim na bala ng kalibre .45, Baofeng handheld radio, ilang ID na nasa kanyang pangalan, posas, at brown vest na may tatak na “PULIS”.
Sa interogasyon, sinabi ng suspek na nakuha niya ang uniporme at baril sa kanyang kamag-anak na nagretiro na sa serbisyo.
Nauna rito, naaresto ng pulisya si Joselito Luz, of Brgy. West Crame, San Juan City, na nagpanggap ding pulis ng dumaan sa checkpoint sa Batasan-San Mateo Rd., sa Brgy. Batasan Hills.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.