6 tips panlaban sa stress, anxiety sa gitna ng Covid-19
HINDI kataka-taka na may mga tao na madaling mabalisa dahil sa takot na mahawa ng coronavirus disease 2019 lalo na kung napunta ka sa mga lugar kung saan mayroong mga kumpirmadong kaso ng nakamamatay na sakit na ito.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng magkaroon ng Ebola virus outbreak sa Sierra Leone, natukoy ang pagtaas ng mga kaso ng mental health at psychosocial problems ng mga tao.
Nang magkaroon ng H1N1 outbreak noong 2009, tumaas naman ang emotional symptoms gaya ng somatoform disorders o sintomas ng pananakit at pagkapagod ng katawan kahit na walang pisikal na aktibidad ang isang tao.
May isinulat si Amy Morin na mga payo sa VeryWellMind para mabawasan ang nararamdamang anxiety.
1. Fake news iwasan
Piliin ang source ng binabasang balita. Maraming mga nagpapakalat ng maling impormasyon at maaari itong maging dahilan ng iyong mental stress at anxiety.
Bagamat sa Pilipinas ay mayroong batas laban sa fake news hindi maiiwasan na mayroong mga tao na nagkakalat ng maling impormasyon na nagdudulot ng panic.
2. Magplano
Hindi lahat ng bagay ay kontrolado mo kaya gumawa ng mga hakbang na pwede sa iyo at sa iyong pamilya.
Planuhin kung kailan lang dapat lumabas ng bahay para bilhin ang mga pangangailangan. Planuhin din ang mga gawain sa bahay at higit sa lahat wag kalimutan ang pagpaplano para maproteksyunan ang sarili at pamilya.
3. Limitahan ang pagbabasa ng mga nakakaalarmang balita
Ang labis na pagbabasa ng mga istorya tungkol sa COVID-19 ay maaaring makapagdulot ng pangamba sa isang tao.
Kaya ipinapayo na magbasa ng ibang topic na mahalaga rin at makatutulong din sa iyo.
Bagamat nakatutulong ang pagkakaroon ng kaalaman sa COVID-19, ang sobra-sobrang impormasyon ay maaaring magdulot ng anxiety.
4. Bigyang atensyon ang iyong ginagawa
Huwag magpadala sa ginagawa ng ibang tao na hindi naman nakakatulong. May mga tao na nagpa-panic buying kaya nauubos ang stock sa mga pamilihan kaya mayroong mga wala ng mabili.
Ang panic buying ng alkohol halimbawa ay maaaring magresulta sa lalong pagkalat ng COVID-19. Dahil naipon sa iilan ang alkohol na nakapapatay ng virus mayroong mga tao na nawawalan nito kaya maaaring sila ay mahawa at makahawa sa iba.
5. Self-care
May hihigit pa ba sa kahalagahan na pangalagaan mo ang iyong katawan?
Ang pagkain nang tama at pagtulog nang sapat sa oras ay ilan lamang na maaari mong gawin para mapangalagaan ang iyong katawan.
Kung malusog ang iyong pangangatawan ay mas madali mong malalaban ang sakit na dumapo sa iyo.
6. Wag kalimutan tumulong, humingi ng tulong
Huwag matakot na humingi ng tulong isang propesyonal kung mayroon kang problema.
Ang isang lisensyadong mental health professional ay makatutulong upang malabanan mo ang iyong takot at pangamba at makagawa ng nararapat na desisyon sa iyong mga kinakaharap na problema.
May saya ring dulot ang pagbibigay ng tulong, hindi man yan pinansiyal o mga bagay, ang simpleng pangangamusta at pagpapayo ay isang tulong na rin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.