Kim Chiu napaiyak sa akusasyong fake ambush: Kailangan bang mamatay kami para maniwala kayo?
SA kauna-unahang pagkakataon, nagsalita na si Kim Chiu tungkol sa akusasyong isang kaso ng “ambush me” ang nangyaring pamamaril sa kanyang van ilang linggo na ang nakararaan.
May mga nagsabi kasi na tila may mga butas ang salaysay ng Kapamilya actress tungkol sa ginawang pagratrat sa sinasakyan niyang van ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Isa sa mga nagduda sa kaso ay ang dating broadcaster na si Jay Sonza na talagang ikinagalit ng mga tagasuporta ni Kim.
Sa pamamagitan ng kanyang latest vlog, naglabas ng kanyang saloobin ang dalaga tungkol dito. Muli, naging emosyonal si Kim habang kinakausap ang madlang pipol at binalikan ang mga nangyari na muntik nang kumitil sa kanyang buhay, sa kanyang driver at personal assistant.
Mariing pinabulaanan ni Kim sa ipinost niyang video na fake ambush ang nangyari at lalong hindi totoo ang haka-hakang binayaran siya para isagawa ang “staged ambush.”
“Paano kung tumuloy iyong bala, aanhin ko iyong binayad nila sa akin?” ang umiiyak na pahayag ni Kim.
Inamin niyang naapektuhan siya sa mga nagsabing peke ang naganap na pananambang, muntik na nga siyang mamatay pero pinag-isipan pa siya ng masama ng ibang tao.
“Gusto ko lang silang tanungin, kailangan ba talagang may matamaan o mamatay para sabihin ninyong totoo iyong nangyari?” emosyonal pang pahayag ng dalaga. Hinding-hindi raw niya magagawang ilagay sa peligro ang mga taong pinagkakatiwalaan at importante sa kanyang buhay kapalit ng pera o kasikatan.
Samantala, ipinaalam sa kanya ng mga otoridad na handa na raw sanang humarap sa media ang taong tunay na target ng pananambang para linawin ang pangyayari.
Ngunit bigla na lang daw nagbago ang isip nito at umurong sa interview dahil baka raw maging sanhi pa ito ng kanyang pagkamatay at baka madamay pa ang kanyang pamilya.
Hindi pa rin nahuhuli ang mga suspek pero sabi Kim, sana raw ay maparusahan talaga ang mga ito.
Sa huling bahagi ng kanyang vlog, sinabi niya na sana’y ito na ang huling pagkakataon na babalikan niya ang mala-bangungot na pangyayari.
“Masaya ako na buhay ako, nandito ako,” pahayag ng dalaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.