Ex-PBB housemate Seth Fedelin pang-MMK ang buhay; nagsimula sa P500 na pamasahe
PINABILIB nang husto ni Seth Fedelin ang hosts at viewers ng “Magandang Buhay” bilang anak at kapatid sa nakaraang episode ng Kapamilya morning show.
Naging very vocal si Momshie Jolina Magdangal sa paghanga kay Seth dahil feel na feel nito ang pagiging mabuting anak at kapatid.
Kasamang nag-guest ni Seth sa “Magandang Buhay” ang youngest sister niyang si Sophia. Tinanong si Sophia ni Momshie Karla Estrada kung gaano ka-the best na kuya si Seth sa kanya.
“Si Kuya po kasi, siya ang nag-aalaga sa aming tatlo. Tapos, siya rin po yung nag-aasikaso kapag papasok kami sa school. Siya na rin po yung nagpaplantsa ng damit namin,” lahad ni Sophia.
Pagkatapos ay nagbigay naman ng kanyang reaksyon si Seth sa sinabi ng kapatid tungkol sa kanya.
“Yung mga times na na-stroke si Papa, kasi bata pa ako noon, e. Grade six parang ganoon. E, ako bilang kuya, kumbaga, naiintindihan ko na ‘yung nangyari sa buhay. Ayoko namang sila, mga bata pa kasi sila. Ayaw kong maramdaman nila na ganoon ‘yung nangyari sa pamilya namin.
“Hindi nila alam na na-stroke ang Papa ko noon. Ang alam lang nila nasa ospital nagpapa-check-up lang. Ano, e, halos kami magkatulong ng Mama ko noon, kay Papa (sa pag-aasikaso).
“Alam mo ‘yung idol mo, hirap magsalita, hirap bumangon. Kailangan niya ng alalay. Kumbaga, kapag nakikita ko ‘yung Mama ko, sabi ko, kung sa ibang nanay ‘to baka sumuko na. Tapos tatlo pa kaming anak na pinag-aaral.
“Kaya, bilang kuya sa mga kapatid ko pinapakita ko sa kanila, ‘Okey ‘yan si Papa. Napagod lang. Nasa ospital, nagpapagaling lang ‘yan,” pahayag ni Seth.
Si Seth ang eldest sa tatlong magkakapatid at bihira na siyang makauwi sa bahay nila sa Cavite dahil sa kanyang mga trabaho. Sabi namin, pang-Maalaala Mo Kaya rin pala ang life story niya.
Samantala, kahit nakailang taon na siya sa showbiz , ‘di pa rin daw siya sanay sa buhay showbiz.
“Kasi, 16 years ko nasa Cavite ako, kasama ko mga kapatid ko, pamilya ko. Ganoon ang buhay namin. So, nu’ng pumasok na ako sa ganito, parang mas natuto akong tumayo sa dalawa kong paa.
“Talagang, sarili ko ‘yung kasama ko kaya, alam mo ‘yung kagagaling mo lang sa trabaho, tapos hinahanap mo ‘yung si Mama, si Papa, mga kapatid ko.
“Alam mo ‘yung kahit magpuyat ako ng isang linggo, ‘yun lang makita ko kapag uuwi ako ng bahay, okey na ako.
“Kasi, naiisip ko noon bago ako pumasok dito (sa showbiz), tandang-tanda ko pa, binigyan ako ng Papa ko ng P500 para mag-audition lang sa PBB. Tapos sabi ko, ‘Papa, ‘tong limang daan na ‘to, hindi ko hahayaan na mapunta sa wala.’
“Tapos, kapag naiisip ko ang mga bagay na yun, sabi ko, ‘Alam ko talaga kung bakit ako nandito.’ ‘Yung papa ko, nabilhan ko ng motor. Tapos, ‘yung bahay ko napaayos ko ng konti. Mga kapatid ko, nabibili ko ‘yung mga gamit nila. Tapos, nakakapagbigay ako ng konting pera sa mga magulang ko. Na dati naman hindi ko nakikita sa sarili ko na magagawa ko. So, yun lang naisip ko talaga,” kuwento pa ni Seth.
Bukod kay Seth, kasabay din niyang nag-guest sa “Magandang Buhay” ang ka-loveteam niyang si Andrea Brillantes na magse-celebrate ng kanyang ika-17 kaarawan sa March 12.
Naku, parang kailan lang “beybi-beybi” pa ng showbiz si Andrea at next year ay debut na niya. Bongga!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.