“Too many cooks spoil the broth.’’
Kailangan pa bang i-explain yan. Simple lang ang ibig sabihin at ito ay tulad ng “If ain’t broke, don’t fix it!”
Hindi lang dagdag gastos kundi makakagulo pa mundo ng professional sports ang mungkahi (Senate Bills No. 191 at 805) na naglalayong magtatag ng commission para sa boxing at iba pang combat sports.
Unang-una, ito ay aagaw sa tungkulin ng Games and Amusements Board (GAB) na sa tingin ko at maging sa pananaw ng mga professional athletes ay ginagampanan naman ng maiigi ang kanilang trabaho at mandato.
Hindi ba’t kapag GAB ang pinag-uusapan ay agad na pumapasok sa isipan ng sambayanang sports ang propesyonal boksing. Ngunit hindi lang pro boxing ang nasa ilalim ng ahensya kundi ang lahat ng professional sports kabilang na ang mixed martial arts, e-sports at ang sikat na Philippine Basketball Association.
Ang tanong: Bakit kailangan pang magtayo ng bagong commission na hahawak sa pro boxing at combat sports samantalang malinaw pa sa sikat ng araw at sa forever na trapik sa EDSA na napakahusay ang pagpapatakbo ng GAB sa ilalim ng chairman nitong si Baham Mitra sa tulong siyempre ng mga commissioner nitong sina Eduard Trinidad at Mar Masanguid.
Kailangan pa bang ipaliwanag yan?
Tanugin ninyo ang mga promoter, hurado, reperi at ang mismong mga boksingero at natitiyak kong puro papuri at paghanga ang kanilang sasabihin patungkol sa GAB at kay chairman Baham.
Sa ilalim kasi ng pamamahala ng dating mambabatas mula sa Palawan ay nabigyan hindi lang ng benepisyo kundi ang mas mahalaga ay ang pagbabalik ng respeto ng ahensya sa mga taong nakapaloob sa pro boxing. Binigyang halaga ng kasalukuyang GAB ang pagpupunyagi ng mga propesyonal na boksingero na dati-rati ay barya-barya lang ang nakukuha at tila mga “sacrificial lambs” at “punching bags” kapag lumalaban sa ibang bansa.
Nagtakda ng mga panuntunan na nagbibigay sigla sa larangan ng pro boxing at kung inyong mapapansin ay muling lumakas sa internasyonal tanghalan ang lakas ng mga boksingerong Pinoy dahil sa kanilang mga tagumpay. Nais kong idiin na hindi lang boksingan kundi naging makulay, masigla at may katuturan ang professional muay, MMA at iba pang combat sports.
Sa kanilang pagharap sa Senado upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat alisin sa GAB ang pag-supervise at pag-regulate sa pro boxing ay malinaw na tinukoy nina Mitra, Masanguid at Trinidad ang proven abilities ng ahensya na hawakan ang pro boxing at combat sports. Isama mo pa dito ang mga teknikal na aspeto ng boksing.
Isa pa, huwag nating kalimutan na maging ang mga dating world champions (ang iba ay hindi pinalad matapos ang kanilang mga karera) ay nabibigyan ng tulong at isama mo pa dito ang magandang relasyon ng GAB sa mga naglalakihang boxing commission sa iba’t-ibang panig ng mundo ay tiyak na bibigyan ng proteksyon ang mga boksingerong Pinoy at Pinay.
“Ang feeling namin ay nagagawa na ang mga dapat gawin at mga gusto pang ipagawa sa amin .While we laud the initiatives of some of our lawmakers, we feel there is really no need in. At maari naman naming gawin basta maalalayan lang po kami ng konti,” sabi ni Mitra.
Korek ka dyan, Chairman Baham.
Huwag nating kalimutan na maging ang prestihiyoso at ginagalang na World Boxing Council (WBC) ay pinili ang GAB bilang Boxing Commission of the Year noong 2017 dahil sa mga programang (libreng medikal, etc) nagpapangat sa estado ng mga boksingero. Noong nakaraang taon ay umani ng paghanga ang GAB sa hosting ng Unang Professional Sports Summit sa Philippine International Convention Center na kung saan ay dumalo ang mga stakeholders mula sa iba’t-ibang pro sports at sino nga ba ang makalilimot sa pagdagsa dito ng mga pandaidigang kampeon sa women’s boxing at mga opisyal ng WBC.
Sa totoo lang ay hindi pa tapos ang convention ay nais ng bumalik ng mga delegado dahil sa nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga puso ang katapatan at pagpupursigi ng GAB na isulong ang women’s power.
Ito pa ang pamatay. Kung magkakaroon ng bagong commission ay dagdag pasanin ito sa kaban ng bayan sapagkat daang milyones ang magiging badyet nito. Daang milyones na sana ay magagastos ng gobyerno sa ibang proyekto na magpapaangat sa antas ng buhay ng mga mahihirap. Dapat niyong tandaan na mananatili pa rin ang GAB na hindi kalakihan ang badyet ngunit matagumpay na nagagawa ang tungkulin.
Dahil sa dadami ang kusinero ay mawawala ang asim ng sinigang at mawawala ang linamnam ng sabaw. Sayang naman.
Kaya ang sigaw ng Peks Man, sa ikauunlad ng Bayan, pabayaan ang GAB sa pagpapatupad ng tungkulin nito at kung sakaling may kakulangan man ay dagdagan lang ng kaunting badyet at tiyak kong magagampanan ito nina Mitra, Masanguid at Trinidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.