NAKUMPISKA ng Task Force African Swine Fever ang 250 kilo ng processed meat sa Virac Port sa Catanduanes kamakalawa, ayon sa naantalang ulat.
Sinabi ni Dr. Jane Rubio, Catanduanes Veterinary Office chief, na nadiskubre ng Philippine Coast Guard ang mga sako na naglalaman ng iba’t ibang processed meat products mula Tabaco City na sinasakay sa MV Virac alas-1:30 ng umaga.
Idinagdag ni Rubio na walang naipakitang shipping permit at health permit para sa mga processed meat.
Pinalitan din ang label ng mga produkto.
Agad na sinunog ang mga nakumpiskang meat products sa isang animal disposal pit ng lalawigan.
Ayon sa ulat, idedeliber sana ang mga produkto sa iba’t ibang tindahan at meat shops sa bayan ng Virac.
Samantala, naharang din ng TFASF ang 32 kilo ng baboy sa isang checkpoint sa Catanduanes.
Nauna nang nagpasa ang Catanduanes Provincial Board ng resolusyon na nagba-ban ng pagpasok ng mga buhay na hayop at processed meat products mula sa Bicol dahil sa mga kaso ng African swine fever sa ilang lalawigan doon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.