Alam kaya nina Sarah, Matteo ito: Ang akin ay sa 'yo ang sa 'yo ay akin | Bandera

Alam kaya nina Sarah, Matteo ito: Ang akin ay sa ‘yo ang sa ‘yo ay akin

Atty. Rudolf Philip Jurado - February 25, 2020 - 10:36 AM

SA ‘yo ay akin at ang akin ay sa iyo ang gumagabay sa mga ari-arian ng mag-asawa ayon na rin sa ating Family Code.

Para sa ating mga tagasubaybay na may asawa at lalong-lalo na sa mga nagbabalak mag-asawa, ang kasal o pagpapakasal ay may kahihinatnan at obligasyon lalo na sa usaping ari-arian.

Ano ang mangyayari sa mga ari-arian ng mga ikakasal matapos ang kasalan? Papaano yung mga ari-arian na minana o mamanahin ng mag-asawa habang sila ay kasal? Maaari bang pumasok sa isang kasunduan ang mag-asawa habang sila ay kasal pa na kanya-kanya na sila ng ari-arian?

Ang ating Family Code na naging epektibo noong August 3, 1988, ay nagsasaad na kung walang kasunduan (pre-nuptial agreement) ang mag-kasintahan bago ikasal, ang pamamahala sa obligasyon at karapatang propiedad nilang mag-asawa pagkatapos ikasal ay tinatawag na “absolute community property.”

Ibig sabihin lahat na pagmamay-ari ng mag-asawa bago ikasal at sa mga darating na panahon habang sila ay mag-asawa ay pagmamay-ari nilang dalawa.

Halimbawa, kung ang binata ay may deposito sa bangko ng P1milyon at si dalaga naman ay may-ari ng bahay bago ikasal, pagkatapos nilang ikasal, yung P1 milyon ng lalaki at bahay ng babae ay pag-aari na rin ng isa’t isa.

Ano naman ang mangyayari sa ari-arian na mabibili, matatanggap o makukuha ng mag-asawa sa mga susunod na panahon habang sila ay kasal?

Ito ay awtomatikong magiging parte ng kanilang “absolute community property.” Ito ang mangyayari kahit pa si babae o si lalaki man ang nakabili, nakatanggap o nakakuha ng isang property.

Ang nakakalungkot nga lang ngayon, maski ang mga mag-asawa na matagal nang hiwalay o hindi na nagsasama ay sakop pa rin ng “absolute community property” principle. Kaya nga habang ang mag-asawa ay kasal “ang sa ’yo ay akin at ang akin ay sa’yo” ay mananatili.

Pero may mga ari-arian namang hindi kasama sa absolute community. Ito ay ‘yung mga ibinigay (donation) o minana (inheritance) habang sila ay kasal na at yung mga ari-arian ng isa sa kanila na naipundar noong nakaraang relasyong mag-asawa, kagaya na lamang kung ang isa sa kanila ay nabyudo o nabyuda.

Kung ang isa naman ay nagsusugal, ang lahat ng mapapanalunan ay magiging parte rin ng “absolute community”. Kaya kung tumama si mister ng lotto, pag-aari na rin ito ni misis kahit matagal na silang hiwalay.

Ang ating nabanggit na magiging “absolute community” ang pamamahala ng ari-arian ay magiging epektibo lamang kung walang naging kasunduan.

Ang kasunduang ito ay tanyag sa tawag na “pre-nuptial agreement.” Ang kasunduang ito ay dapat pinapasok ng magnobyong binata at dalaga bago ikasal. Hindi na ito maaaring gawin pagkatapos ng seremonya ng kasal.

Ayon pa sa probisyon ng Family Code, hindi maaaring pumasok sa isang kasunduan o kontrata ang mag-asawa kung saan magkakasundo sila na kanya-kanya na sila ng ari-arian at hindi na sila sakop ng “absolute community property”.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Maski sila ay hiwalay at hindi na nagsasama hindi pa rin nila maaaring gawin ito, dahil habang sila ay mag-asawa, lahat ng kanilang matatanggap na ari-arian ay pag-aari din ng isa. Kaya nga “ang sa ’yo ay akin at ang akin ay sa ’yo”.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending