MAPAIT ang sinapit ng magkapatid na Taguig politicians na sina Arnel at Allan Cerafica na gumastos at natalo na nga noong nakaraang election ay nahaharap pa ngayon sa patong-patong na kaso.
Inasunto sa city prosecutor’s office noong Lunes ang mag-utol ng sedition, inciting to sedition, illegal assemblies, public disorder at paglabag sa BP No. 880, kasama ang ilan sa kanilang mga supporters.
Tinalo ang dalawa ng magkapatid ding sina dating Sen. Alan Peter Cayetano at dating Rep. Lino Cayetano sa pagkakongresista at pagkaalkalde ng nasabing lungsod.
Nag-ugat ang mga kaso sa reklamo ng mga miyembro ng Jeepney Operators and Drivers Associations bunsod sa perwisyo sa kanilang trabaho na idinulot ng mga pangangalampag ng mga Cerafica at mga tagasuporta noong nakaraang Mayo 14 at 23.
Dahil din umano hindi matanggap ang resulta ng halalan ay hinarang ng grupo ang mga opisyal ng city government na makapasok sa kanilang trabaho nang okupahan ang kahabaan ng Pedro Cayetano Blvd. na isang public road.
Dapat maging aral ang sinapit ng mga Cerafica sa iba pang kakandidato sa mga susunod na eleksyon.
Kung sa tingin n’yo ay nadaya kayo, magsampa kayo ng kaso sa Comelec at huwag daanin sa people power kuno.
Sa bawat eleksyon, may nananalo at may natatalo. Basic ‘yan no?
Hindi tamang pinalalagpas ang pagsira sa public order at safety dahil sa pakiramdam n’yo lang ay naapi kayo.
Batas ang haharapin n’yo, gaya ng hinaharap ng nga Cerafica, lalo pa at sobrang daming tao ang mapeperwisyo at mapapagod dahil lamang hindi n’yo matanggap ang inyong pagkatalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.