BALITANG hindi na muna tutuloy umuwi ng bansa ang maraming mga OFW natin mula sa Hongkong at Macau kahit matagal nang naka-schedule iyon at pinayagan na naman sila ng kanilang mga amo.
May mga uuwi sana sa Pilipinas para sa kanilang maikling pagbabakasyon. Ang ilan naman ay nakatakdang dumalo sa mahalagang mga okasyon kapag sumasapit ang buwan ng Marso at Abril, ang graduation at recognition day ng kanilang mga anak at kapamilya. Ang ilan ay dadalo sa mga kasalan.
Bakit nga ba ayaw na nilang umuwi muna ng bansa?
Takot kasi silang ma-quarantine nang mahigit pa sa 14 araw. At kung sakaling magpatupad na naman ng travel ban ang pamahalaan, nag-aalala sila na baka hindi na sila makabalik sa kanilang mga trabaho.
Dati-rati, ang pagbabakasyon ang pinananabikan ng mga OFW. At sino ba naman ang hindi? Pagkatapos ng dalawa o tatlong mga taon ng pagtatrabaho na hindi kasama ang pamilya, talaga namang iyon na ang pinakahihintay nilang sandali.
Pero iba na kasi ang kalagayan at panahon ngayon. Dahil sa mabilis na paglaganap ng COVID-19 na nagsimula sa Tsina, wala nang maaaring maipangako ang isang OFW. Hindi nila masisiguro sa kanilang mga employer na makababalik sila agad ayon sa kanilang napagkasunduan. Wala na ring kayang maipangakong kaligtasan ang kanilang mga employer kahit pa ang pamahalaan ng mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan.
Ang mga katulad nitong sitwasyon ang hindi nila kontrolado. Malungkot man sa OFW at sa kapamilyang umaasa na uuwi ang minamahal nilang OFW, titiisin na lamang din nila iyon.
Napakahirap nga naman ang buhay OFW ! Maraming pagtitiis ang kinakailangan. Kaya sikapin sana ng bawat isa na pahalagahan ang pagsasakripisyong ito ng ating mga OFW. Magtipid, mag-ipon at palaging maging handa na anumang araw at oras, may hindi inaasahang pangyayari ang maaari nilang kaharapin.
***
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.